(Mk 2: 1-12)
Ang pasimula ng ministro ni Hesus sa Ebanghelyo ni San Marcos ay ang paghahayag na ‘ang kaharian ng Diyos ay narito na’ – nakakita ang mga bulag, nanumbalik ang pananalita ng pipi, nabuksan ang pandinig ng mga bingi at nabuhay ang patay – na ang ibig sabihin sa ating kalagitnaan, ang pangako ng Diyos ay nagaganap. Ang pangangaral ni Hesus ng magandang Balita ay kinapapalooban din at hindi maaring ihawalay na paanyaya ng ‘pagsisi’ na nangangahulugan ng ‘agad-agad’ at ‘malayang’ pagtugon.
Sa mga nakaraang tatlong linggo ang Ebanghelyo natin ay umuukol sa ministro ng pagpapagaling ni Hesus – mula sa pagpapalayas niya ng masamang espiritu, sa pagpapalaya niya ng lagnat sa biyenang-babae ni Simon, at sa pagpapagaling niya sa taong may ketong. Ngayong linggo, tayo ay muli na namang tumutunghay sa isang kabanata, sa isang kwento ng pagpapagaling ni Hesus sa isang taong ‘baldado.’
Kung ating pagninilay-nilayan ang mga nabanggit na kabanata ng pagpapagaling ni Hesus mababatid natin ang dalawang katotohan na hinaharap natin:
1. 1. Ang ating buhay (mundo) ay puno ng ‘karamdaman’ – iba’t – ibang sakit ng katawan, pagkutya, pagsumpa, pagkakahiwalay-hiwalay, pigtas-pigtas na sarili at pamumuhay sa kadiliman. Ipinapahiwatig nito na mula nuon at kahit hanggang ngayon tayo ay nanga ngailangan ng kagalingan.
2. 2. Na ang tangi nating malalapitan ay ang isinugo ng Diyos, ang nag-iisang Tagapamagitan at Tagapagligtas, ang Dakilang Manggagamot, ang ipinahayag ni San Pablo ikalawang Pagbasa na Siyang ‘katapatan’ at ‘Oo’ ng Diyos, ang Panginoong Hesukristo.
Mga simbolo ng Kagalingan:
1. 1. Tahanan – tutoong sa tahanan sumisibol ang pag-ibig at pagda-damayan subalit sa loob din ng tahanan nag-uugat ang kagalitan at pagkakahiwa-hiwalay. Ang tanyag na awiting a house is not a home ay nagpapahayag ng una, kalungkutan na nararanasan ng isang tao mula sa tahanan. Ikalawa, isinasaad din ng awiting ito na sa tahanan nanahan ang pag-ibig. Sa Ebanghelyo ngayon, binuksan ang kwento sa pagsasabing si Hesus ay nasa isang bahay. Hindi binanggit kung kaninong bahay at kung gaano ito kalaki subalit idiniin na napakarami ng tao na nagpunta upang makinig sa pangangaral ni Hesus. Anupa’t hindi magkalulan ang tao sa dami ng naroroon. Napakagandang pagnilayan na ginamit ni Hesus ang isang bahay upang maging tahanan ng mga taong uhaw sa Salita at naghahanap ng kagalingan. Hindi ba’t nakakatuwa na pinili ni Hesus ang isang ‘tahanan’ upang katagpuin at muling pag-isahin ang mga tao?
Sa isang pamilya, ang alitan ay hindi maiiwasan. Nakakalungkot lamang na kadalasan ito’y humahantong sa napakatagal na kagalitan at samaan ng loob. Nangyayari ang mga ito sapagkat nakakalimutan natin na tayo ang bumubuo ng isang tahanan. Na ang tunay nating yaman ay nagmumula sa ating ‘tahanan,’ ang pagkakaisa, pag-ibig, pagdadamayan, pag-asa. Sa Ebanghelyo, tayo ay dinadala ni Hesus sa loob ng kanyang Tahanan.
2. 2. Kaibigan – ang tanyag na awiting that’s what friends are for, ay nagpapakita ng uri ng kaibigan na narinig at nabasa natin sa Ebanghelyo: in good times and bad times, I’ll be on your side forevermore…. Ipinahayag nito na ang ating mga ‘kaibigan’ ay yaman din ng ating buhay. Subalit, paanong ang ating mga kaibigan noon ay kaaway na natin ngayon? Kung ang ‘kaibigan’ ay tutoong ka-ibig-an sa buhay, bakit nakukuha natin na sila ay paslangin, itatuwa at isumpa? Na sa sobrang galit natin ay wala na tayong puwang sa pang-unawa, pagpapatawad at kagalingan? Sa Ebanghelyo, pinagaling ni Hesus ang paralitiko dahil sa awa at habag Niya sa taong maysakit subalit mas lalong higit sa nakita niyang pagmamalasakit ng apat na kaibigan ng taong maysakit – na dahil sa kanilang tulong at pamamaraan, ang paralitiko ay nailapit nila kay Hesus.
Nakita ni Hesus sa ‘kaibigan’ ang tutoong ‘tahanan’ na siyang kagalingan ng tao. Kaya, sa Ebanghelyo ni San Juan, tayo ay tinawag ni Hesus na ‘kaibigan’ at inatasan na ‘tayo ay mag-ibigan.’ Malinaw na ipinapa-alala sa atin na ‘tayo pa rin ang taga-pangalaga ng ating mga kapatid,’ kahit ano at anuman ang mangyari.
3. 3. Ang Maysakit – Isa sa malaking ‘usaping moral’ ang tinatawag na euthanasia, ang sadyang pag-kitil ng buhay ng isang ‘taong-gulay’ na na nakaratay dahil sa dinanas na sakit o aksidente. Dahil sa awa sa paghihirap ng taong nakaratay, sa laki ng gastos at kawalan na ng lunas, gamot man o operasyon, imnumungkahi ng karamihan na tayo ay may karapatan na magpasya na ‘patayin’ ang ‘taong-gulay’ na. Kung ang pagiging ‘pratical’ ang ating pag-uusapan, napakadaling pagpasyahan ito. Subalit ang buhay ng isang tao ay hindi ibinigay at inilaan ng Diyos sa ‘practical’ na bagay. Dahil ang buhay ay banal at regalo mula sa Diyos, na ang Diyos lamang ang may karapatan na kuhanin ito. Dito natin makikita na sa kawalan natin ng pag-asa sa buhay, sa pagiging paralitiko natin, nakakalimutan natin na mayroon tayong ‘tahanan’ at ‘kaibigan’ na maaring balikan at hingan ng tulong, hugutan at kapulutan ng pag-asa at pagmamahal; na kahit tayo’y ‘lantang gulay’ na dahil sa ating karamdaman o kasalanan, tayo ay mahalaga at may pag-asa sa mata ng Diyos.
|
c/o linpearson.com |
4. 4. Ang Dakilang Manggagamot – ang pagpapalayas ni Hesus ng masamang Espiritu sa isang tao, ang pagpapa-alis niya ng lagnat sa biyenan ni Simon, ang pagpapagaling niya sa taong may ketong at ang pagpapalakad niya sa taong paralisado ay nagsasaad lamang na si Hesus ang tangi at dakila nating Manggagamot. Ang kanyang ginagamot ay ang ating kaluluwa – “Ipinatawad na ang iyong kasalanan!” Siya lamang ang may kakayahang magpatawad sa atin; ang magpagaling sa atin. Siya ang tunay nating “Tahanan at Kaibigan” na madalas nating kaligataan dahil sa paralisadong buhay na ating kinalalagyan. Kay Hesus may tutoong pag-asa at kagalingan. Amen