Sunday, February 5, 2012

Day 36: “Bawal Magkasakit!”

Mk 1.29-39

Noong ako’y bata pa, may mga pagkakataon na hinihiling ko na magkasakit ako. Ang pagkakasakit sa aking isip at karanasan ay ang pagkakaroon ng lagnat. Sa tuwina kasing mayroon akong sakit ay nakakakain ako ng mga gusto kong kainin, nakakaiwas ako sa mga gawaing bahay, at natutuwa sa pag-aaruga ng aking Ina. Kabaligtaran ito ng nais ko ngayong malaki na ako; dahil kabaligtaran din ang mga nakukuha ko kapag may sakit ako tulad ng hindi ako makakain ng gusto ko, hindi ko magawa ang mga dapat kong gawin at tapusin, at wala na akong Nanay na mag-aaruga sa akin. Kaya nga para sa akin, tama ang prinsipsyong “Bawal magkasakit!”

c/o spokenexistence.com

Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, isinasaad na pinagaling ni Hesus ang lagnat ng biyenang- babae ni Simon. Wala siyang pangalan at hindi binanggit kung ilang araw na siyang may karamdaman. Subalit ang tinutumbok ay ang kanyang pagkakaroon ng sakit; ang pagpapagaling ni Hesus sa kanya, at matapos na siya ay pagalingin ni Hesus, siya ay nagsilbi sa kanila. Ang pagsisilbi niya ay nagpapahiwatig nang una, pasasalamat at ikalawa, nang pagsasaya.

Pasasalamat dahil ipinapakita dito na tanging si Hesus lamang ang Dakilang Manggagamot ng lahat ng uri ng karamdaman. At sa aba niyang kalagayan, muli siyang nagkaroon ng kayamanan sa pagbabalik ng kanyang kalusugan. Pagsasaya dahil sa muling pagbabalik ng sigla ng buhay – ang pagkakaroon ng lakas at pagkakataon na gawin at tupdin ang tungkulin ng buhay.

Narito ang hiwaga ng “ministro ng pagpapagaling” ng ating Panginoon. Kinapapalooban ito ng dalawang katotohanan:

1. Ang paghahari ng Diyos ay dumating na. Ito ang Magandang Balita na sinumulan niya sa pangangaral, at ito din ang mga katagang nagdulot ng takot sa mga masasamang espiritu, sapagkat ang pagdating ng paghahari ng Diyos ay ang katapusan ng paghahari ng kasamaan sa buhay ng tao at sa mundo.
2. “Magsisi!” Ang paanyaya na ito ay nangangahulugan ng madaliang pagbabago, ng bukas na paghahangad, ng malayang pagtanggap sa alok na kaligtasan ng Panginoon. Ang pagsisi ay parehong pag-amin, na tayo ay makasalanan at nangangailangan ng tulong at awa ng Diyos; paghahangad, na ang ating kaluluwa ay salat sa kapayapaan bunga ng kasalanan at magkakaroon lamang ng katahimikan mula sa Diyos; at pagtanggap, na kailangan nating gawin ang ating tungkulin, at pakikipag-tulungan sa Diyos para sa ating kaligtasan.

Tandaan natin na ang ating Panginoong Hesukristo ay hindi lamang may kakayahang pagalingin ang ating karamdaman bagkus higit sa lahat Siya’y may kakayahang panatilihin tayong malusog at walang karamdaman.

No comments: