(Unang Linggo sa panahon ng Kwaresma - Marcos 1. 12-15)
Nasubukan na ba ninyong umiyak o tumawa ng walang dahilan? ‘Yung tipong may nagtanong kung bakit ka umiiyak ang sagot mo ay hindi ko alam? Ang tawag du’n ay “Sisa.” Nasubukan ninyo na bang umalis ng bahay at sumakay sa Metro o bus na walang malinaw na pupuntahan? Ang tawag du’n “Jet setter.” Nangyari na ba sa inyo na magpunta sa Simbahan upang magdasal subalit hindi ka makasambit ng nais mong sabihin? Ang tawag naman dito, “The Tourist.” O may mga pagkakataon na ang pakiramdam mo pagud na pagod ka kahit wala ka namang mabigat o gaanong ginawa buong araw? Ang ibig sabihin nito, “tumatanda ka na.”
Sa walang birong usapan, ang lahat ng mga pangyayaring ito ay tumutukoy sa mga karanasanan natin ng “kawalan.” Ito ang karanasan na ang pakiramdam natin ay may kulang, walang buhay, ‘dryness,’ ligalig, o ‘restless.’ Hindi ito kanais-nais na karanasan kaya ang pangkaraniwan nating tugon dito ay ang maghanap ng pupuno sa ating kawalan. Sinu ba naman ang may gusto na magtagal sa kawalan? Subalit ang kadalasan nating natatagpuan na mga pampuno ay mga bagay na hindi tumpak at pang matagalan.
Ipinapaunawa sa atin sa Ebanghelyo na ang kawalan, isa man siyang nakakatakot na lugar, karanasan o kalagayan, ay isang malaking pagkakataon upang maunawaan natin na ang Diyos lamang ang tanging makapagpupuno sa atin. Dito natin makikita na Siya lamang ang makatutugon sa pagkauhaw, pagkagutom, sa pagiging salat at tuyo ng buhay. At sa mga panahon o pagkakataon na tayo ay natukso, nagkamali, naligaw, naging matigas ang ulo, naging marupok, nakalimot; na tayo man ay dumanas ng ‘disyertong buhay,’ mayroon tayong pag-asang makabangon at makabawi, dahil pagkatapos ng apatnapung araw, ang Diyos tulad sa unang pagbasa ay muling makikipagtipan sa atin.
Binigbigyang diin hindi ang kalunus-lunos at pangambang sasapitin natin sa disyerto kundi ang bagong pakikipagtipan ng Diyos sa atin – ang Diyos ang nangako at ito’y matutupad. Si Hesus, bilang Sugo ng Diyos ang sumasakatawan ng pangakong ito, dahil kay Hesus nagkaroon ng kaganapan ang Banal na Tipan ng Diyos sa tao.
Ang panahon ng Kwaresma ay panahon ng pagninilay sa ating ‘disyertong’ pamumuhay; panahon ng pananalangin upang mapagtagumpayan natin ang hindi kalugud-lugod na kalagayan ng ating buhay; pagbibigay ng sarili para sa paglilingkod. Ang lahat ng ito ay nakatuon sa pananabik natin sa kaganapan ng pangako ng Diyos – sa muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.
No comments:
Post a Comment