Sunday, January 19, 2014

Bata, Bambino, Child, Enfant, 小孩子


Sto Nino de Prague
I.                    Panimula
Sa Pilipinas, ngayon ay kapistahan ng Sto Niño at isa ito sa mga malalaking kapistahan na ipinagdiriwang, sa Luzon at lalo na sa Kabisayaan na pamoso sa pagdiriwang ng tinatawag nating Sinulog Festival. Ayon sa mga manunulat ng kasaysayan ang imahen ng Sto Niño ay isang regalo mula kay Ferdinand Magellan para kay Reyna Juana nuong siya ay bininyagan sa Kristiyanismo. Ang imahen na ito ay makikita sa minor Basilica ng Sto Nino de Cebu. Dito nag-umpisa ang debosyon ng mga Pilipino sa batang imahen ni Hesus. Sa katunayan ang mga imahen ng Sto Niño sa Tondo Maynila at Arevalo Ilo-ilo ay halos kasing antigo (16th century) ng nasabing imahen sa Cebu.

Sino ba ang hindi matutuwa kapag nakakita ng isang bata, lalo na ang isang bagong silang o yu’ng naglalakad pa lamang? Ang kanilang maamong mukha, inosenteng hitsura, nakakatuwang kilos at pagsasalita ang labis nating kinagigiliwan sa kanila. Ang kaligayahan at disiplina sa sarili na hatid ng isang bata sa buhay ng magulang o pamilya ay walang kapalit – ngiti, pampapawi ng pagod, pagsusumikap at pagtitiyaga sa buhay alang-alang sa isang bata atbp. Likas sa atin ang mahalin, alagaan at ingatan ang bata. Marahil dito nag-uugat ang ating mainit na debosyon sa Sto Niño (maliban sa ating pananampalataya).

I.                   Nilalaman
Ang kaugnayan ng Ebanghelyo sa araw na ito ng pagdiriwang ay tungkol sa pagtuturo at paghahayag ni Hesus sa Kaharian ng Diyos, na dumating na o ay nalalapit na. Ang bata ang ginawang halimbawa o modelo ni Hesus sa pagsasalarawan sa turong ito. Sa sulat ni San Lukas, ang mga alagad ay nagtatalo kung sino sa kanila ang dakila sa kaharian ng Diyos (Lk 9.46-48). Sa sulat naman ni San Markos, sinaway ni Hesus ang mga taong pinipigilan ang mga bata sa paglapit Kanya (Mk 10.13-16). At sa sulat ni San Mateo, tinanong ng mga alagad si Hesus kung sino ang pinaka dakila sa kaharian ng Diyos (Mt 18.1-5).

Sto Nino de Prague
Ang salitang kaharian ay mula sa salitang griyego, basileia, na mahigit sa 162 beses na makikita sa Bagong Tipan at 121 beses itong ipinahayag sa turo ni Hesus sa mga Ebanghelyo, 104 na beses ang tumutukoy sa 'kaharian ng Diyos.' Ang buhay at mga gawa ni Hesus ang sentro at tumutukoy sa turong ito.

Ang Kaharian ng Diyos ang unang ipinahayag ni Hesus matapos na siya’y binyagan at tuksuhin sa ilang, sa unang pagkakataon ng ministeryo niya sa madla (Mk 1.14-15; Mt 4.12-17). Sa sulat ni San Lukas, hindi man ipinahayag ni Hesus ang salitang ‘kaharian’ nuong unang nagturo Siya sa sinagoga subalit ito ay ‘nakapaloob’ sa mga sinabi niya tungkol sa pagparito niya (Lk 4.16-21), at sa pagsasabi ni Hesus kay Nicodemus sa kung paano makakapasok ang isang tao sa kaharian ng Diyos (Jn 3.1-3). Ang paghahari o kaharian ng Diyos ang una at siya ring huling turo ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad (Acts1.3)

Subalit ano ba ang kahulugan ng Paghahari (Kaharian) ng Diyos? Ano ang nakapaloob dito? At ano ang mayroon sa isang bata upang ilarawan ang paghaharing ito?

Kay San Markos (1.14-2.12), makikita natin ang tema ng turong ito. Inihayag ni Hesus ang paghahari at humiling na maniwala at magbalik loob. Sinundan ito ng pagtawag sa unang mga alagad at ang matulin nilang pagtugon. Nakita nila ang kapangyarihan ni Hesus laban sa mga maruruming espiritu at ang kakayahan niyang magpagaling. Ang pagpapahayag niya ng paghahari ng Diyos ay ang pagpapalaganap ng kabutihan ng Diyos sa lahat – na walang kapangyarihan ang kasamaan at anumang uri ng sakit sa tao.

Ang paghahari ng Diyos ay siya ring inilarawan ni Hesus sa dalawang alagad ni Juan Bautista na ipinadala niya kay Hesus upang tanungin kung siya na ba talaga ang Mesiyas: “Bumalik kayo at ipahayag ninyo kay Juan ang mga bagay na nakita at narinig ninyo (o nasaksihan): ang bulag ay nakakita, ang lumpo ay nakalakad, ang mga may ketong ay gumaling, ang mga bingi ay nakarinig, ang mga patay ay nabuhay muli at ang mabuting balita ay ipinahayag sa mga aba” (Lk 7.20-22). Ang Kaharian ng Diyos ay nakapaloob sa isang paghahari at isang kahariang iniligtas, walang kapintasan at may bagong katauhan.

Sto Nino de Prague
Gayundin kay San Mateo, isinalarawan ni Hesus ang tungkol sa kung sino ang pinakadakila sa paghahari ng Diyos sa pagtawag sa isang bata. Ang pagbabago ng sarili at pagiging aba katulad ng bata ang susi sa pintuan ng paghahari ng Diyos. Isang paghahari na kinakailangan ang pagtugon, pagtanggap, pagkilos at paghayo; isang paghahari para sa mga ligtas, at isang paghahari ng pagsasabuhay ng Kaharian ng Diyos.

II.                Pagpapasiya
Ang mga taong aba at dukha, mga walang boses sa lipunan, mga walang pumapansin, mga itinuturing na pampabigat at abàla sa buhay, sila ang tinutukoy at inilalarawan ni Hesus tungkol sa bata. Ang mga ‘maliliit,’ ‘walang kakayanan’ o ‘boses’ sa lipunan, ang ibinigay niyang huwaran ng tunay na dakila at pinaghaharian ng Diyos. Ito ay dahil sa dalawang katangian taglay ng isang 'maliit': buong pagtitiwala at kababaan ng loob. Pangkaraniwan na kasi sa mga may sapat ng gulang ang mag-akala na sa kanila lamang at dapat umiinog ang mundo, na sila na ang bahala sa lahat, may katigasan ang ulo at sarado ang puso, palalo at mga mangmang, sakim at walang pakialam, mga pag-iisip at pag-uugaling kakaiba sa katangian ng isang bata.

Kaya nga ang panawagan ay ‘maniwala’ at ‘magbalik-loob’ - maniwala (ng may pagtitiwala) sa nakita, narinig o nasaksihang kabutihan at kapangyarihang mula sa Diyos; magbalik-loob (na may kababaan ng loob) sa Diyos sa pag-amin na wala tayong kakayahang gumawa ng mabuti kung wala ang Diyos sa buhay natin, na kailangan natin Siya upang tayo’y mabuhay. Walang saysay ang pagdiriwang ng kapistahan kung hindi naman natin mauunawaan ang tunay na dahilan ng pagsasaya. Huwag sana nating patunayan sa mga pumupula sa mga debosyon ng ating Simbahan na tama sila, na tayo’y mga mananampalataya ng imaheng gawa sa bato at kahoy at katulad ng mga paganong nagsasaya.


Sto Nino de Prague
Bagkus, ipagpasalamat natin ang mga debosyong ganito sa pagtuturo nito sa atin ng kung paanong mabuhay ng tama, mabuti at kalugud-lugod sa Diyos. Ipahayag natin ito ng may katotohanan sa salita at sa halimbawa, at atin din itong ikarangal sapagkat ito’y pagpapaalala at pagpapatunay ng ating tunay at buhày na pananampalataya at pagsamba. Amen.


Maligayang Kapistahan, Viva Sto Niño!

*Mga puntos na maari nating pagnilayan at pagyamanin:
1.      Tayo ba ay nagnanais na isulong ang Paghahari ng Diyos o ang paghahari natin sa iba?
2.      Mauna muna tayong makaalam, maniwala at mabago sa turong ito bago natin hangarin na magkaroon ito ng datìng sa ibang tao.
3.      Madali sa atin ang matukso na ilagay ang ating sariling turo bilang sentro kaysa sa tutoong turo tungkol sa paghahari ng Diyos. Kailangan nating harapin ang mga paksa na hindi laging madalas pag-usapan; mga paksa na hahamon sa ating komunidad upang lawakan ang kanilang pananaw at siyasatin ang tunay na motibo ng ating paglilingkod at paghahayag.  

No comments: