Sa
ating panahon ng mga makabagong teknolohiya iilan na lamang ang makikita natin
na walang ‘electronic gadgets.’ Halos lahat, magmula sa apò hanggang sa àpo ay
may dala-dalang gadget(s) kahit saan sila magpunta. Wala tayong pinipiling lugar, sa loob man ng Simbahan
o kahit na sa palikuran. Wala rin tayong pinipiling oras umpisa sa pag-gising
hanggang magkapuyatan na. Okay lang din ang mapag-isa o walang masyadong usapan
basta may smart phone at wifi connection. Mabubuhay na ang isang
makabagong tao nang ganito. Hindi nakakapagtaka kung bakit ang ingay ng mundo
kasi hindi tayo nagkakarinigan; kung bakit maraming awayan dahil hindi tayo magkaintindihan;
kung bakit nauso ang mga salitang, ‘walang basagan ng trip’ dahil wala tayong
pakialamanan.
Salat
na tayo ngayon sa salitang ‘katahimikan.’ Ang mas nakakalungkot, marami na sa
atin ngayon ang takot sa katahimikan. Bakit, ano ba ang mayroon sa katahimikan?
Sa unang saknong ng sikat na awitin nina Simon and Garfunkel na Sounds
of Silence, ang katahimikan ay inilarawan sa ‘kadiliman,’ ‘pangitain,’ at ‘panaginip.’
Takot agad ang pumapasok sa isipan natin hindi ba? Kaya nga hindi nakakapagtaka
kung bakit mas pipiliin ng marami sa atin ang tunog ng ingay.
c/o thegoodheart.blogspot.com |
Sa
Ebanghelyo sa araw na ito (Mt 1.18-24), isinalaysay ni San Mateo ang kwento ng
paghahayag sa kapanganakan ni Hesus kay Jose, ang asawa ni Maria. Para kay Jose,
may ‘kadiliman’ ang pangyayari sapagkat bago pa sila magsamang dalawa ay
nalaman niyang nagdadalang-tao na si Maria (sa pamamagitan ng Espiritu Santo).
Sa pagpapatuloy ng kwento, dahil sa siya ay matuwid na tao at ayaw ipahamak si
Maria, nagpasiya siya na hiwalayan ng palihim si Maria.
Habang
pinagmumuni-munian niya ang bagay na ito, ay ‘napakita’ sa kanya ang Anghel ng
Panginoon sa isang ‘panaginip.’ Sa Lumang Tipan, isa sa mga pangkaraniwang
paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa tao ay sa panaginip. Sa pangitain na ito, sa
panaginip nangyari ang pag-uusap at paliwanag tungkol sa pangyayari kay Maria.
Ang takot ni Jose ay napawi ng isang kasiguraduhan; ang kanyang agam-agam ay
napalitan ng tapang; at ang pagkatuklas niya ay nauwi sa pagsunod at pagtanggap.
Mga tagpong nag-umpisa at natapos sa katahimikan.
Siguro
kung uso na ang smart phone at wifi nuon, siguradong iba na ang
salin ng kwento tungkol kay Jose ngayon. Pupwedeng tuluyan nang iniwan ni Jose si Maria
at naghanap na ng iba; tiyak na mapapanuod natin sa Youtube ang
kahihiyan ni Maria; at malalaman natin ang gulo ng mga sumunod pang tagpo. Para
lang teleserye. Salamat na lamang at hindi pa uso ang mga iyon upang agawin ang kakayahan ng tao na tuklasin at harapin ang katotohanan. Salamat
na lamang at ang paraan ng Diyos ng pakikipag-usap sa tao ay sa katahimikan.
Ang
pag-agaw sa atensyon ng tao, ang pagwasak sa katahimikan ng isip at kalooban ng
tao ang masamang dulot ng mga makabagong ‘electronic gadgets’ at ng ‘internet’ sa
buhay natin ngayon. Pilit tayong nililibang
upang makalimot at pagtakpan ang tunay na pangyayari sa ating sarili, sa
pamilya, o sa komunidad; upang matakot na harapin ang katotohanan at makulong
sa kasinungalingan; at upang matutong mabuhay na walang iniisip kungdi ang sarili
lamang. Ang ‘ingay’ ang solusyon ng kalaban para tayo ay iligaw.
Takòt
ang kasamaan sa katahimikan sapagkat alam nito na sa ‘katahimikan nangungusap
ang ating Panginoon.’ Sa katahimikan naunawaan ni Jose ang dakilang plano at
pangako ng Diyos sa tao. Oo, sa
katahimikan ay dumaan siya sa kadiliman, takot at pagdududa subalit sa
katahimikan din niya natagpuan ang liwanag na nag-udyok sa kanya na sundin ang
Kanyang kalooban. Katulad ni Jose, sa katahimikan din natin malalaman ang
kasagutan ng Diyos sa ating mga tanong o ang plano Niya sa atin. Sapagkat hindi
dilim, takot o pangamba ang tunay na tunog ng katahimikan (sound of silence), kundi ang
salitang ‘Imanuel,’ na ibig sabihi’y ‘nasa atin ang Diyos!’
No comments:
Post a Comment