Thursday, February 20, 2014

Sa mga Katolikong nakadalo o dumadalo sa mga ‘charismatic fellowship,’ hindi lingid ang mga katagang, ‘Praise the Lord’ at ‘Amen’ bilang mga sagot sa tanong o pagsangayon sa sinabi ng pari o ng ‘preacher.’ Para sa kanila, sapat na ang mga sagot na ito upang maramdaman ang katotohanan na ang Panginoon ay makapangyarihan.  Subalit sa ibang mga Katoliko na hindi masyadong kilala ang mga ganitong gawain, para bang ‘corny’ ang dating. Hanggang sa dumating sa buhay nila ang mabibigat na pagsubok at suliranin, duon unti-unting nagkakaroon ng kahulugan ang ganitong mga kataga. Marami ang nagsasabi na ‘nasumpungan nila ang Panginoon’ nu’ng mga panahon na iyon.’ Ang mga ‘charismatic fellowship’ katulad ng ating mga sakramento, lalo na ang Banal na Eukaristiya ay mga pamamaraan ng Diyos upang ipaunawa at ipadama sa atin ang Kanyang presensya. Duon natin Siya nakikilala at tinatanggap.

Subalit ang pagkilala at pagtanggap ay hindi ‘isang gabing pag-aaral’ lamang. Kinakailangan nito ang isang proseso, isang karanasan ng kabanalan at kaliwanagan. Dahil sa ating limitasyon bilang mga tao, hindi natin minsan masyadong naiintindihan ang mga kilos at salitang ating binibitawan. Minsan ay ‘oo’ na pero sa kalaunan ay babawiin din pala. Tulad halimbawa ng mga sagot ni Pedro sa Ebanghelyo ngayong araw na ito (Mk 8.27-33). “Ikaw ang Kristo” sa tanong ni Hesus kung sino siya para sa kanila. Makikita natin ang pag-iisip niya sapagkat sa unang pagkakataon, ipinahayag niya ang tunay na ‘kasarinlan’ ng ating Panginoon. Subalit umani man siya ng paghanga ng iba, hindi kalauna’y ang papuri na natanggap niya ay naging isang mabigat na pagkastigo sa kanya ng ating Panginoon, nang tumanggi siya sa sinabi ni Hesus tungkol sa hirap na daranasin niya, “Umalis ka sa harap ko Satanas (get behind me), sapagkat ang pag-iisip mo ay hindi galing sa Diyos kungdi sa tao!”

c/o beingisgood.blogspot.com
Dito natin mapatutunayan na ang pagkilala at pagsunod sa ating Panginoon ay nagaganap din sa ating pang araw-araw na buhay, gaano man kasimple o ka kumplikado. Sa tutuong buhay ayaw natin ang paghihirap, na kung pwede lang na araw-araw ay masaya at lahat ay payapa. Kaya nga marami sa atin ang bantulot nang kilalanin ang ating Panginoon, ayaw nang palalimin ang kanilang pananampalataya, ayos na ang magsimba, dahil nga sa patunay na kapag lumalapit ka sa Diyos lalong dumarami ang pagsubok. Mas mabuti na ang manatiling ‘simple’ sa pagsunod dahil kaunti lamang ang pasanin at bigat ng buhay. Subalit ang ganitong pag-iisip ay hindi naiiba sa pag-iisip ni Pedro. Dumadalo ka man ng mga ‘charismatic fellowship,’ ‘Bible sharing,’ o karaniwang nagsisimba isang beses isang linggo lamang, ang hirap at hapis ay kasama na ng buhay. Kilala mo man si Hesus o hindi, narinyan na iyan bilang kahanay ng buhay. Subalit ang makilala ang Panginoon at tanggapin siya, narito ang malaking pagkakaiba. Kay Hesus natin makikita kung papaanong matatanggap ang hirap at hapis bilang parte ng buhay at paano natin sa kabila ng mga ito, ay makapananatiling makaDiyos at makatao na tagasunod Niya.


Ang Mesiyas ay tanda ng tagumpay at kapayapaan subalit bago mangyari ito kailangan muna niyang dumaan sa hirap at hapis. At para sa ating tagasunod niya, ito ang kahulugan ng “praise the Lord,” at “amen” na sagot – tinatanggap ang pagdaranas ng hirap subalit naniniwalang kaya itong pagtagumpayan.

No comments: