Friday, May 31, 2013

Wika ng isang Ina: ‘Trabaho o Anak?’

Sa pagkakaroon ko ng dalawang anak, dalawang magka-ibang paraan ko rin naranasan at nagampanan ang aking pagiging ina. ;

Labing-isang taong gulang na ang aking bunso at masasabi kong naging maayos ang aming pagpapalaki sa kanya sa kabila ng lahat ng pagsubok na dumaan sa aming buhay. Hindi madali ang maging ina lalo na kung maraming mga problemang sumasabay habang ginagampanan ko ito. Problema na siya ring nakatulong sa amin upang maging matatag at maipagpatuloy ang buhay na ibinigay sa amin ng Panginoon. Bilang ina sa aking dalawang anak, naging napakahirap sa akin ang sitwasyon dahil lumaki silang magkalayo. Hindi ko naranasan ang maging ina sa aking panganay. Dito ko siya ipinanganak sa Italya subalit sa Pilipinas siya lumaki at nag-aral. Iniuwi ko siya at inihabilin ko sa aking ina pagsapit niya ng ika-anim na buwan. Ginampanan ng nanay ko ang aking tungkulin at tanging pagpapadala lamang ng pera at pagbili ng mga kailangan ng aking anak ang aking nagawa. Nagkikita lamang kami kapag umuuwi ako isang beses sa isang taon at kung minsan naman ay siya ang pinapupunta ko rito upang magbakasyon. Ganito ang aming sitwasyon sa paglipas ng mga taon. Sa aking bunso ko naranasan ang magpalaki ng anak. Hindi ito naging madali, maraming pagkakataon na sumasabay na lang ako sa pag-iyak ng aking anak sa maraming katanungan sa isip ko na hindi ko alam kung paano masasagot.                                                      

Hindi ako nagtatrabaho noon dahil kailangan ako ng anak ko. Pero paano kami mabubuhay kung hindi ako tutulong sa pagtatrabaho? Hindi sapat ang kinikita ng aking asawa para sa aming pamilya. Maraming gabi na hindi ako nakakatulog sa pag-iisip at ganoon din sa pag-aalaga ng bata lalo na kapag may sakit ito. Dito ko natutunang pag-aralan ang bawat iyak ng aking anak – kung gutom ba siya o kung may sumasakit sa kanya. Isang pagkakataong hindi ko malimut-limot ay ang pangyayari nang isang tanghaliang umuwi ang asawa ko galing sa trabaho. Dumulog kami sa mesa para kumain pero kanin lang ang nakahain. Sinabi ko sa asawa ko na wala kaming ulam. May nakita siyang kamatis at kaunting alamang at iyon ang nagsilbing ulam namin. Walang patid ang paglaglag ng luha ko habang kumakain. Niyakap na lang ako ng asawa ko at sinambit niya ang katagang “Kaya natin ito!” Naisip ko na lang, ‘Paano na ang anak ko? Kailangan kong maging malakas bilang ina para sa anak ko.’                 

Lumipas pa ang ilang buwan at nagdesisyon ako na maghanap ng trabaho para makatulong  sa pamilya. Pero paano ang anak ko? Trabaho o anak? Syempre, pinili ko ang anak ko pero hindi ako nawalan ng pag-asa na tutulungan kami ng Panginoon sa aming problema at iyon nga ang nangyari. Nakilala namin si Weng, isang Pilipina na bagong panganak din at hindi nagtatrabaho dahil din sa pag-aalaga sa kanyang anak. Sa araw-araw na nasa trabaho kami, sa kanya namin pinaalagaan ang aming anak hanggang sa ipasok na namin siya sa asilo o daycare center. Dito na nag-umpisa ang bagong buhay ng aking pagiging ina at bilang asawa. Naging maganda ang takbo ng paghahanap-buhay naming mag-asawa at naging maayos ang paglaki ng aming anak.

Sa ngayon, tapos na sa kanyang pag-aaral ang aking panganay na anak, nakapasa na sa board exam, nakatapos na rin ng kanyang masteral course at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang ospital bilang nurse. Nasa high school naman ang aking bunso at lumalaking maayos, malusog at matalino. Napatunayan ko na bilang isang ina, kinakailangan ang lakas ng loob at matatag na paniniwala sa Diyos at ang lahat ay malalampasan. Hindi Niya kami pinabayaan at lalo kaming naging malakas at matibay sa pagharap sa lahat ng uri ng pagsubok sa aming buhay.



(Ako'y lubos na nagpapasalamat kay Gng. Bernandita "Mama Dytes" Silang-Parin sa pagbabahagi niya dito ng kanyang karanasan. Mabuhay ang mga Ina!)

No comments: