Tuesday, October 8, 2013

Agosto, Ah, gusto; Ah, giusto!

Sa buwan na ito sa Roma ay napakainit dahil nga summer, subalit sa Pilipinas naman ay basang-basa sa ulan ang kwento ng buhay. Sa buwan ding ito sa Roma, bakasyon sa eskwela ang mga mag-aaral pero sa Pilipinas nasa kalagitnaan na ng semestre ang mga estudyante. Pagdating sa oras, may pagkakaiba din. Nauuna ng anim na oras ang Pilipinas sa Roma (o Italya). Hindi ko na babanggitin ang iba pang bagay na pagkakaiba ng Pilipinas sa Roma pero ang gusto kong tumbukin ay kung paano, ang isang katulad ko na naninirahan na sa Roma ng halos dalawang taon at umuwi sa Pilipinas upang magbakasyon, ay nanibago at nahirapan sa ilang pagkakaiba na nabanggit ko na. Hindi usapin ang bilang ng taon kundi ang katotohanan na mahirap baguhin ang mga bagay na atin ng nakasanayan lalo na’t wala tayong kakayahan na hindi sumangayon sa mga ito, kapag tayo’y umuwi sa ating sariling bansa.

Personal akong nahirapan sa oras ng pagtulog gayun din sa oras ng paggamit ng banyo. Naging suliranin ko rin ang bilang at dami ng aking kinakain, hindi dahil sa hindi ko gusto ang pagkain kundi hindi maayos ang pakiramdam ng aking tiyan pagkatapos kumain. Ang kapaligiran ko, mga taong nakakasalamuha ko, pati na ang pagmamaneho  at pagbibiyahe ko sa ibang lugar ay bahagyang naka-apekto sa akin upang manibago. Kadalasan kapag ako’y umuuwi ay panay na lamang ako reklamo, napakadaling uminit ng aking ulo at halos wala akong tigil sa pamumuna ng mga negatibong bagay o pangyayari na nakikita ko. Tuloy hindi ko namamalayan na hindi nagiging masaya at payapa ang aking pagbabakasyon. Pero iba sa pagkakataong ito dahil nakatulong sa akin ang pangaral ng isang malapit na kaibigan bago ako umuwi ng Pilipinas. Ang sabi niya sa akin ay kailangan kong ‘magbaon’ ng patience and understanding. Pinanghawakan ko ito at tinandaang mabuti kaya nga sa unang mga sandali pa lamang matapos lumapag ang eroplano na aming sinakyan sa NAIA, nasubukan na kaagad ang aking pasensya at pangunawa. Nasundan pa ito ng marami pang pagkakataon hanggang sa oras na isinusulat ko ang kwentong ito.

Marami akong bagay na dapat ikainis at ikagalit habang ako’y nagbabakasyon subalit naging mabisa para sa akin ang isabuhay ang payo ng aking kaibigan. Dahil dito mas nakita ko ang kabutihan, kagandahan at mga positibong bagay sa mga hindi kagandahan at hindi maayos na pangyayari sa loob o labas man ng aking tahanan. Naisip ko na kung hindi natin mabago ang paligid natin dapat siguro na tayo ang magbago; kung hindi natin mapasunod ang mga pangyayari sa gusto natin dapat na tayo ang sumunod. Kapag ginawa natin ito malalaman natin na hindi naman pala ganuong kahirap sa atin; hindi naman pala puro pangit at higit sa lahat hindi naman pala sila pabigat sa atin. Nasa pagsasaayos ng ating sarili at pagkakaroon ng tamang disposisyon (katulad ng pasensya at pangunawa) ang sagot at susi upang kahit maraming pagbabago sa ating pagbabakasyon, masabi natin sa pagbalik ng Roma (o Italya) na, ang sarap talaga sa atin!


  

No comments: