Sunday, May 26, 2013

Malayuang papel ng isang Ina

Ang karanasan ko bilang isang Ina ay masasabi kong malaking responsibilidad. Bilang isang Ina, napalaki ko ang dalawa kong anak na mababait, maka-Diyos at may respeto sa kapwa. Bakit ko nasabi ito? Maliliit pa sila ng iwan ko sila at magtrabaho dito sa ibang bansa bilang ‘kasambahay.’ Mag isa kong itinaguyod ang kanilang pag-aaral. Kahit malayo ako sa kanila ay hindi ako nagkulang ng mga pangaral tungkol sa kagandahang asal. Sila ang naging inspirasyon ko sa pagtatrabaho kaya natiis ko ang hirap ng kalooban at pangungulila sa kanila. 

Tiniis ko ang sakit ng kalooban na hindi ko man lamang sila nasubaybayan sa kanilang paglaki upang mabigyan ko sila ng magandang kinabukasan. Ganoon din naman sila. Ang bawat patak ng pawis ko ang naging inspirasyon nila upang pagbutihin nila ang kanilang pag-aaral. Binigyang halaga nila ang lahat na aking paghihirap at sakripisyo dito. Ngayon, masaya na ako dahil alam ko na nagampanan ko na ang aking tungkulin bilang isang Ina kahit na ako ay nasa malayo. Kuntento na ako at napagtapos ko sila sa kanilang pag-aaral. Ngunit alam ko na hindi dito magwawakas ang tungkulin ko bilang isang Ina. Sa abot ng aking makakaya at habang ako ay nabubuhay, itutuloy ko ang aking pagiging Ina sa kanila. Salamat sa Diyos sa pagbibigay Niya ng dalawang anak na katulad nila; salamat sa Diyos sa walang hanggang patnubay Niya sa amin.

(Ako ay lubos na nagpapasalamat kay Bb Revy Padilla sa pahintulot na mailathala ko ang kwento ng karanasan niya bilang isang Ina)

No comments: