Sunday, May 12, 2013

Ang Ubod ng pagiging isang Ina


Pinaka masayang araw para sa akin nuong ako ay biyayaan ng napakahalagang regalo ng Diyos, noong dumating sa buhay namin ang una kong anak. Magkahalong saya at pangamba ang aking naramdaman: saya, dahil ipinagkaloob sa akin ang isang napakalusog na batang babae, ngunit may kahalong pangamba dahil hindi ko alam kung paano ko gagampanan ang maging isang ina, dahil ako mismo ay nagkamalay at nagkaisip na malayo at hinahanap ang kalinga ng isang ina. Labinlimang taon na ako ay malayo sa tunay kong ina at pamilya. Sa bawat araw na dumadaan ay unti-unting nabura ang mga agam-agam ko at ito ay napalitan ng lubos na saya na ninanamnam ang bawat minuto,oras at buwan na kasama ko ang aking anak. Ito ay sa  kadahilanang kailangan ko na ihabilin o paalagan ng pansamantala sa mga magulang ko sa Pilipinas ang aming anak. Ito ang naisip ko na paraan para kami ay makapaghanap ng maayos na trabaho at mabigyan siya ng kaunting ginhawa sa buhay.

Sa gulang na tatlong buwan ng siya ay iuwi at iwanan ko sa aking mga magulang,durog ang puso ko na umalis pero kampante din ako dahil alam ko na mas magiging maayos siya sa piling ng mga magulang ko. At hindi nga ako nagkamali sa naging desisyon ko noon dahil kahit kami ay magkalayo ng aking anak ay para rin akong nasa malapit dahil araw-araw na pagtawag sa telepono ang aming komunikasyon. Kahit noon ay 'di pa niya kayang magsalita subalit sa paglipas ng taon ay nakasanayan na nmin ang ganitong sitwasyon - na magkalayo sa isa't-isa na umabot ng anim na taon.

Hindi ko na inakala na ako ay muling mabibiyayaan ng isa pang supling na batang lalaki. Ito ay lubos na kaligayahan para sa amin, kaligayahang di kayang tapatan ng kahit gaano kalaking sweldo. Ngunit sa pagkakataong ito ay kinailangan ko pa rin siyang iwanan sa aking mga magulang sa kagustuhan ko na silang magkapatid ay magkalapit at lumaki na magkasama na kahit ako ang magsakripisyo. Sa kabila ng magandang trabaho at pagkita ay naroroon ang lungkot at pag-asa na sana ay kasama ko sila. Hindi nagtagal at dumating ang araw na iyon. Ipinahintulot na ng Diyos na sila ay makasama at makapiling  namin. Sa kabila ng galak ay muli kong naramdaman ang pangamba sapagkat haharapin ko ang napakalaking obligasyon na hindi ko alam kung saan magsisimula at kung paano haharapin ang buhay na ako namn ang kanilang kasama. 

Sa simula ng mga araw ay masasabi ko na mahirap dahil pare-parehas naming kinikilala ng mas mabuti ang ugali ng bawat isa. Kasabay nito ay unti-unti ko rin nakita ang mga mabubuting ugali at mga sumpong ng aking mga anak at ganon din naman sila sa akin. Kakaunti pa ang eksperyensa ko bilang isang ina dahil halos apat na taon ko pa lang sila nakakasama pero lubos akong masaya dahil marahil ito na ang pagkakataon para magampanan ko ang obligasyon ko sa kanila bilang nanay at naniniwala ako na kakayanin ko (namin) ang lahat basta't magkakasama kami bilang isang pamilya.

(Lubos ang aking pasasalamat kay Bb Yayo Andal Hernandez sa pagbabahagi ng kanyang karanasan bilang isang Ina)

1 comment:

MaryKate said...

So touching story tita Yo. Very well said!