Sunday, May 19, 2013

Nag-iisang magulang sa nag-iisang anak…


Walong taon na akong naninirahan at nagtratrabaho dito sa Roma ng ipinanganak ko ang aking kaisa-isang anak na lalaki na si Kiko. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na isa akong single mother. Bagamat sa una napakaganda ng relasyon namin ng tatay ng anak ko ay tuluyan din itong nauwi sa hiwalayan dahil sa hindi pagkakaunawaan at sa kadahilanang hindi naman kami kasal.

Ang maging isang ‘single mother’ ay hindi isang biro; kailangan kong magbanat ng buto para mabuhay ‘di lamang para sa aking anak kundi para na rin sa aking pamilya na naiwan sa Pilipinas. Upang ako naman ay makapag trabaho kailangang may mag alaga sa aking anak at iyon ay ang aking nakakabatang kapatid na babae. Mahirap na mapalayo sa anak ko lalo pa at siya ay sanggol pa lamang pero anong magagawa ng katulad kong nag-iisa?

Walong buwan pa lamang ang aking anak ng siya’y naiuwi ko sa aking mga kapatid sa Pilipinas. Kailangan kong isakripisyo na mapalayo sa aking pamilya at sa aking anak upang matustusan ko ang pangangailangan namin. Lahat na yata ng klase ng trabaho ay naranasan ko na para lamang kumita, pero sa lahat ng iyon ay ang pag-aabroad ang pinaka mahirap, Naghahalo ang pawis at luha ko sa tuwing nagiisa ako at ng dahil sa pangungulila sa aking anak at pamilya. Tiniis kong mapalayo sa kanila para lamang may maipakain sa kanila at may maipantustos sa kanyang pag-aaral.

Sa paglayo ko, hangad ko na mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Ni hindi ko na inisip ang kahihinatnan ng aking paglayo. Pikitmata kong sinuong ang lahat, naranasan kong matulog ng mag-uumaga na hindi dahil sa hindi ako pinapatulog kundi talagang hindi ako makatulog, Siguro dahil ito sa pangungulila at magkahalong pagod sa trabaho at pagod na isipan. Naalala ko pa nga ang aking anak noong s’ya ay bata pa sa minsan naming pag-uusap ay nasabi niyang: “Mama umuwi kana kahit wala na po akong magandang damit at hindi na rin ako iinom ng gatas basta nandito ka lang po.” Ngunit naging bato ang damdamin ko hangang sa ilang buwan at taon na ang nagdaan.

Nagtrabaho ako bilang tagapag-alaga ng mga batang Italyano na sa paglipas ng panahon ay napamahal na rin sa akin at samo’t saring trabaho pa ang aking pinasukan. Sa mga panahong iyon ay hindi ko na maiwasang ikumpara ang mga bata sa aking anak, at hindi ko mapigilang lumuha sa isiping ibang bata ang inaalagaan ko samantalang ang anak ko na mas higit na kailangan ang inang katulad ko na mag-aaruga sa kanya ay heto at ibang tao ang inaalagaan. Halos karamihan sa mga nangingibang bansa na babae ay isang ina, kaya siguro ramdam din nila ang pait na aking nararamdaman.

Sa isang inang katulad ko, handa kong isakripisyo ang sariling kapakanan mabigyan lamang ng magandang bukas ang aking anak. Sabi lang nila malakas ako at matapang ako upang magawa ito, pero ang totoo ay mahina din ako at may takot na nararamdaman, tinitiis nga lamang alang- alang lang sa aming kinabukasan. Napilitang mag-abroad na ang tanging nasa isip ay ang magkaroon ng kaginhawaan ang buhay na hindi ko alintana ang maaaring kahihinantnan ng desisyon na ito.

Maraming pagsubok akong naranasan ngunit sa tulong at gabay ng aking pamilya na naiwan sa Pilipinas, bagamat nakakausap ko lamang sila sa pamamagitan ng telepono ay tinulungan akong malagpasan ang mga ito. Isa rin sa nagpapatatag ng aking kalooban ay ang paniniwala na ang Panginoon ay laging nandyan sa lahat ng oras lalo na sa oras ng kagipitan; hangat hindi ka bumibitaw sa paniniwala at paghingi ng gabay sa Panginoon ay hindi Niya talaga tayo pababayaan. Patuloy lamang tayong manalig at magdasal saan man tayo naroroon. Ginawa kong inspirasyon ang aking pamilya lalung-lalo na ang aking anak para makayanan ang lahat ng pagsubok at pangungulilang dulot ng pag-aabroad.

Ngayon ay malaki na si Kiko. Siya ay 18 years old na at binata na. Hindi man ako madalas umuwi upang makasama siya ay laking pasasalamat ko pa rin at nasa tabi niya ako sa mga importanteng bahagi ng kanyang buhay katulad ng graduation at ilang birthdays niya. Maipagmamalaki ko rin na bagamat malayo ako sa kanya ay hindi siya naligaw ng landas. Ito ay dahil na rin sa mabuting pag-gabay ng aking ina at mga kapatid sa kanya na aking lubos na ipinasasalamat. Subalit hindi pa rin natatapos ang mga pagsubok sa akin sapagkat ngayon naging mas mahirap na ang pagtustos ko sa kanyang pag-aaral dahil siya ay nasa kolehiyo na. Ngunit labis pa rin akong nagagalak sapagkat nananatili siyang isang mabuting anak at estudyante, matigas man ang ulo minsan ay sumusunod naman sa lahat ng oras.

Hindi naman sa lahat ng oras ay ako ay nangungulila dahil lahat ng ito ay napapawi marinig ko lamang ang boses at halakhak ng aking anak at ng aking pamilya. Kaya sa mga kapwa ko OFW, single mother ka man o hindi, saan man kayong bansa naroroon, ay lakasan lamang ang loob, manatiling matatag, nakakapit sa Diyos at huwag kakalimutang mag-enjoy. At huwag ipagdamot sa sarili ang mga bagay na maaring magpa-saya sa iyo, lalo na ang oras na kasama mo ang iyong pamilya.



(Lubos akong nagpapasalamat kay Bb. Elvie Quintans sa pagbabahagi niya ng kanyang karanasan)

1 comment:

Anonymous said...

naiyak namn ako dto