Natatandaan ko, dalawang taon na ang nakakaraan ng magkaroon ng malakihang tsunami sa Japan. Talaga namang kalunus-lunos ang sinapit ng mga lugar na naapektuhan. Nagkaroon ng malakihan at maramihang pagtulong ang mga bansa at grupo mapasangay man ng gobyerno o maging pampribado. Kahit na alam ng lahat kung gaano kaunlad ang bansang Japan hindi pa rin napigil ang damdamin at ang pusong maawain upang dumamay, sa kahit maliit o kahit anong paraan. Natatandaan ko ang isang paaralan na nakalikom ng mahigit sa US$100K para itulong sa bansang Japan. Subalit hindi naalis sa isip ko ng mga oras na iyon ang magtanong kung ito bang pagtulong nila ay dahil sa ang bansang nasalanta ay Japan, dahil alam natin na magiging mabango sila sa bansa pagkatapos ng unos, o dahil ba ito sa talagang pagkukusang loob na tumulong? Gusto kong paniwalaan ang huli at ayokong humusga sa pamamaraan nila. Ngayon, ang Pilipinas ay dumaranas ng isang kalamidad, hindi man tsunami subalit malaki ang pinsalang dulot sa mga tao at kanilang kabuhayan, makalikom kaya sila kahit man lang US10K upang tumulong sa mga nasalanta ng kalamidad? Hihintayin ko kung ano ang mangyayari upang malaman natin kung may katwiran ba ang aking pagtataas ng katanungan, at dito ay mapatunayan natin na may mga pagkakataong ang pagkakawang-gawa ay nababalutan ng mapanlilang na layunin.
No comments:
Post a Comment