Wednesday, December 18, 2013

An’ sabe daw?

Sa ating panahon ng mga makabagong teknolohiya iilan na lamang ang makikita natin na walang ‘electronic gadgets.’ Halos lahat, magmula sa apò hanggang sa àpo ay may dala-dalang gadget(s) kahit saan sila magpunta. Wala tayong pinipiling lugar, sa loob man ng Simbahan o kahit na sa palikuran. Wala rin tayong pinipiling oras umpisa sa pag-gising hanggang magkapuyatan na. Okay lang din ang mapag-isa o walang masyadong usapan basta may smart phone at wifi connection. Mabubuhay na ang isang makabagong tao nang ganito. Hindi nakakapagtaka kung bakit ang ingay ng mundo kasi hindi tayo nagkakarinigan; kung bakit maraming awayan dahil hindi tayo magkaintindihan; kung bakit nauso ang mga salitang, ‘walang basagan ng trip’ dahil wala tayong pakialamanan.

Salat na tayo ngayon sa salitang ‘katahimikan.’ Ang mas nakakalungkot, marami na sa atin ngayon ang takot sa katahimikan. Bakit, ano ba ang mayroon sa katahimikan? Sa unang saknong ng sikat na awitin nina Simon and Garfunkel na Sounds of Silence, ang katahimikan ay inilarawan sa ‘kadiliman,’ ‘pangitain,’ at ‘panaginip.’ Takot agad ang pumapasok sa isipan natin hindi ba? Kaya nga hindi nakakapagtaka kung bakit mas pipiliin ng marami sa atin ang tunog ng ingay.

c/o thegoodheart.blogspot.com
Sa Ebanghelyo sa araw na ito (Mt 1.18-24), isinalaysay ni San Mateo ang kwento ng paghahayag sa kapanganakan ni Hesus kay Jose, ang asawa ni Maria. Para kay Jose, may ‘kadiliman’ ang pangyayari sapagkat bago pa sila magsamang dalawa ay nalaman niyang nagdadalang-tao na si Maria (sa pamamagitan ng Espiritu Santo). Sa pagpapatuloy ng kwento, dahil sa siya ay matuwid na tao at ayaw ipahamak si Maria, nagpasiya siya na hiwalayan ng palihim si Maria.

Habang pinagmumuni-munian niya ang bagay na ito, ay ‘napakita’ sa kanya ang Anghel ng Panginoon sa isang ‘panaginip.’ Sa Lumang Tipan, isa sa mga pangkaraniwang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa tao ay sa panaginip. Sa pangitain na ito, sa panaginip nangyari ang pag-uusap at paliwanag tungkol sa pangyayari kay Maria. Ang takot ni Jose ay napawi ng isang kasiguraduhan; ang kanyang agam-agam ay napalitan ng tapang; at ang pagkatuklas niya ay nauwi sa pagsunod at pagtanggap. Mga tagpong nag-umpisa at natapos sa katahimikan.

Siguro kung uso na ang smart phone at wifi nuon, siguradong iba na ang salin ng kwento tungkol kay Jose ngayon.  Pupwedeng tuluyan nang iniwan ni Jose si Maria at naghanap na ng iba; tiyak na mapapanuod natin sa Youtube ang kahihiyan ni Maria; at malalaman natin ang gulo ng mga sumunod pang tagpo. Para lang teleserye. Salamat na lamang at hindi pa uso ang mga iyon upang agawin ang kakayahan ng tao na tuklasin at harapin ang katotohanan. Salamat na lamang at ang paraan ng Diyos ng pakikipag-usap sa tao ay sa katahimikan.

Ang pag-agaw sa atensyon ng tao, ang pagwasak sa katahimikan ng isip at kalooban ng tao ang masamang dulot ng mga makabagong ‘electronic gadgets’ at ng ‘internet’ sa buhay natin ngayon.  Pilit tayong nililibang upang makalimot at pagtakpan ang tunay na pangyayari sa ating sarili, sa pamilya, o sa komunidad; upang matakot na harapin ang katotohanan at makulong sa kasinungalingan; at upang matutong mabuhay na walang iniisip kungdi ang sarili lamang. Ang ‘ingay’ ang solusyon ng kalaban para tayo ay iligaw.  

Takòt ang kasamaan sa katahimikan sapagkat alam nito na sa ‘katahimikan nangungusap ang ating Panginoon.’ Sa katahimikan naunawaan ni Jose ang dakilang plano at pangako ng Diyos sa tao.  Oo, sa katahimikan ay dumaan siya sa kadiliman, takot at pagdududa subalit sa katahimikan din niya natagpuan ang liwanag na nag-udyok sa kanya na sundin ang Kanyang kalooban. Katulad ni Jose, sa katahimikan din natin malalaman ang kasagutan ng Diyos sa ating mga tanong o ang plano Niya sa atin. Sapagkat hindi dilim, takot o pangamba ang tunay na tunog ng katahimikan (sound of silence), kundi ang salitang ‘Imanuel,’ na ibig sabihi’y ‘nasa atin ang Diyos!’   
   


Monday, December 16, 2013

Mauna kang kumurap!

Sinasabi na isa sa mga paraan upang makilala natin ang isang tao ay sa pamamagitan ng kanyang pagtatanong. Nakapaloob kasi sa tanong (o uri ng pagtatanong) ang nilalaman ng isipan at puso ng isang tao, ito man ay may kalaliman o kababawan, may pagmamalasakit o panghuhusga, may katapatan o may malisya. Dahil dito, napakahalaga ng isang tanong (o pagtatanong).

c/o ratewall.com
Ngunit sinasabi din na makikilala natin ang karunungan (wisdom) ng isang tao sa kanyang sagot o paraan niya ng pagsagot sa katanungan. Batid kasi ng isang taong marunong ang laman o mensahe ng katanungan na maari niyang ikarangal o kaya ay ikapahamak. Dahil dito, mas mahalaga ang maging marunong sa pagsagot sa kahit anong uri ng katanungan.

Sa Ebanghelyo ngayon ayon kay San Matteo (21.23-27), namalas natin ang eksena ng pagtatanungan sa pagitan ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan, at ng ating Panginoon. Tinanong nila si Hesus tungkol sa kung kaninong kapangyarihan siya naghahayag, na tinugunan din ni Hesus ng isang katanungan tungkol sa pagkaka-kilanlan nila sa bautismo ni Juan.

Sa pagkakataon pagkatapos nito, makikita natin kung gaanong karunungan mayroon ang ating Panginoon. Una, sapagkat nabasa niya ang nilalaman ng puso ng mga nagtanong sa kanya sa kanilang katanungan – isang tanong na puno ng malisya. Pangalawa, sumagot siya sa isang ring pagtatanong sa kanila – isang tanong na kinapapalooban ng katotohanan at kalinisan na kung alam nila ang sagot ay hindi na nila kailangan pang magtanong kay Hesus. Subalit, gaano man sila kinikilala sa lipunan at komunidad, nananatili silang mangmang at walang laman.

Inisip nila na mas makabubuti na huwag silang sumagot sa tanong ni Hesus, hindi dahil sa sila ay may karunungang taglay kundi dahil sa kanilang pagiging tuso. Ang isang tuso ay ang isang taong malakas ang loob sa pagtatanong ngunit bantulot (duwag) sa pagsagot. Ang laman ng puso ng isang taong tuso ay tanging ang kapahamakan ng ibang tao tulad ng mga nasabing tao na nagtanong sa ating Panginoon. Hindi lingid sa kanila na ang karunungang taglay ni Hesus ang siya nilang naging hatol at kapahamakan para sa kanilang sarili.

Sa buhay natin, madalas tayong mag-usisa at magtanong lalo na kung ang pinag-uusapan ay ibang tao. Sa mga pagkakataong ganito, alam ba natin kung paano tayo mag-usisa? Alam ba natin ang tunay na paksa? Tayo ba ay may intesyon na malaman ang katotohanan, o tulad din ng mga tao sa Ebanghelyo na nagtanong kay Hesus, tayo din ay puno ng malisya at walang ibang hangad kungdi ang kapahamakan ng iba?


Kung ang pagtatanong natin ay upang malaman at saliksikin ang katotohanan, hindi rin tayo mangangamba ni matatakot na sumagot sa ngalan ng katotohanan. Ang pagtatanong ng may mabuti at malinis na hangarin ay sapat nang katibayan na ang isang tao ay may karunungan; karunungan na nakapaloob sa kasagutan; kasagutan na ang dulot ay paglaya at kaligtasan.