Sunday, November 17, 2013

Pananatili

Sa gitna ng kalamidad, sakuna at paghihirap ibat-ibang paraan ang pagtugon natin:
1.      Umiiyak tayo dahil sa sobrang dalamhati at pakikiramay;
2.      Nagngi-ngitngit tayo dahil sa mabagal na pagkilos lalo na ng gobyerno upang tulungan ang mga nasalanta.
3.      Nagkakapit-bisig tayo upang makatulong sa abot ng ating makakayanan.
4.      Nagdarasal at nag-aalay ng sarili upang mapaglagpasan ang bigat ng pagsubok na dumating sa ating buhay.

Subalit sa lahat ng ito – pagluha, galit, pagtulong at pananalangin, isang tanong ang pumapasok sa isip ko…hanggang kailan?

Hanggang kailan tayo iiyak, hanggang maubos na at wala ng pumatak na luha?
Hanggang kailan tayo magagalit, hanggang ang puso’y mabalot na ng poot?
Hanggang kailan ang pagtulong natin, hanggang maubos na ang kaban at halos tayo na ang mangailangan?
Hanggang kailan tayo magdarasal, hanggang mamaos na ang ating boses at mawalan na tayo ng salitang bibigkasin?  Ano ang maidudulot ng ganitong pagtitiis sa atin? Siguro sa isip natin, mas makabubuti pa ang tumigil at bumitaw hanggang may lakas pa tayo at may hininga.

Sumasagot sa mga tanong ko ang tinig mula sa unang pagbasa sa aklat ng Malakias (3.19-20), ‘na darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno,  tutupukin ang mga masasama at palalo ngunit ang mga matutuwid ay sisikatan ng katarungan katulad ng sinag ng araw na siya ring magpapagaling sa mga ito. Lulundag sila na parang guyang pinalaya sa kulungan.’

Maliwanag ang pangungusap ng Panginoon para sa mga mananatili at sa mga tatalikod sa kanya. Ang panukat na gagamitin sa araw na iyon para sa mga maliligtas at mapapahamak ay ang kanilang pananatili at hindi pananatili sa kanya. Ang punto na binigyang diin ay hindi ang kasagutan sa tanong na hanggang kailan subalit ang pananatili ng isang tagasunod kahit sa gitna ng kasalatan ng lakas, pananalig at pag-asa. Madaling sabihin ngunit mahirap gawin para sa mga taong hindi nananampalataya; ng mga taong nag-aakalang sapat na ang maghintay at tumigil sa paggawa.

Kung kaya’t sa ikalawang pagbasa ay nanawagan si San Pablo sa mga taga Tesalonika (3.7-14) na bagamat nasasabik sila sa pagbabalik ng ating Panginoon na pinaniniwalaan nilang nalalapit na, ay hindi dapat maging dahilan upang sila’y bumitiw na sa kanilang tungkilin sa komunidad at maging pabigat sa iba. Kung sila man ay matiyagang naghihintay sa pagbabalik ng ating Panginoon ay dapat din silang magsumikap na maging tapat sa aral at halimbawa niya – na kumilos, tumulong, magbigay, maghanap-buhay at maglingkod - hanggang sa pagdating ng araw na iyon.
Sa Ebanghelyo ayon kay San Lukas (21.5-19), ipinaliwanag ni Hesus sa mga tao ang katapusan. Ito ay isang usaping ‘eskatologiko.’ Nakakatakot mang pangitain o katotohanan dahil sa mga mangyayari bago ito dumating subalit ito din ay dapat na kasabikan ng may galak sapagkat ang araw ng katapusan na iyon ay ang araw ng buong kaganapan ng paghahari ng Diyos sa sanlibutan. Ipinapakita dito ayon sa mga pangungusap ni Hesus, na bigyang pansin hindi ang mga nakakatakot na pangitain subalit ang paraan ng paghahanda sa araw na iyon.

Sa mga nakaraang matinding kalamidad sa ating bansa – lindol at bagyo – ang mga kababayan nating naging biktima ang sa aking palagay ang mas nakadarama ng tunay na kahulugan ng mga pananalita ng Panginoon sa ebanghelyo patungkol sa katapusan. Nakakadismaya ang katotohanang sa kabila ng mga pangyayari at pinagdaraanan nila, hindi pa dito nagtatapos ang lahat. Maaring sumigaw tayo sa sama ng loob at sabihin sa Diyos na hindi ito makatarungan subalit una na tayong naging hindi makatarungan sa kanya. Bukod pa sa katotohanang ang mga bagay na ito ay nasasaad na mangyayari. 

Gayunpaman, ito ay sumisimbulo na ang lumang panahon ay lilipas upang bigyang daan ang bago, subalit kalakip nito ang labis na hirap at pagdurusa. Ngunit, hanggang kailan? Hanggang dumating tayo sa sandaling wala nang mailuha, mapagbuntunan ng galit, maitulong at mabigkas na pananalita; hanggang sa kabila ng lahat ng ito; hanggang dumating ang panahon na iyon. Dito papasok na mas mahalagang panghawakan natin ang pangako sa atin ng Panginoon, na “sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” Amen.


No comments: