Thursday, August 9, 2012

‘Ba! Ha, na naman? (Baha na naman?)

“bumabaha na naman ng dahil sa pagbuhos ng ulan…

c/o nydailynews.com
Sa nakaraang dalawang taon, nakaranas ng malalaki at matagalang pagbaha ang Maynila at ang mga kalapit nitong probinsya’t bayan. Para sa isang Pilipino na tubong Bulacan na katulad ko ang mga ganitong pagbaha ay hindi na bago sa akin. Alam ko rin kung papaanong mamuhay kapag may baha at pagkatapos humupa ng tubig. Marami ngayon ang nasa ‘evacuation centers’ dahil sa panganib na nakaumang sa kanilang mga tahanan at lugar. Kulang sa pagkain, inumin at iba pang personal na pangangailangan. Tuloy, napapaisip ako kung bakit hindi man maiwasan ay mabawasan man lamang sana ang ganitong malalalang pangyayari tuwing bumabaha, lalo na sa Kamaynilaan. Magiging mahaba lamang at maaring walang katapusan kung ang isusulat ko dito ay ang kawalan ng epektibong mga pamamaraan ng ating gobyerno sa ating bansa. Iwanan na muna natin ang paksang nasabi.

Marami akong nababasa na humihingi ng tulong para sa mga ‘biktima’ ng pagbaha na itinuturing kong isang makatao at maka-Diyos na kawanggawa. Subalit hindi ko maiwasan na mag-isip na kung bakit kapag may ganito nang pangyayari at tsaka tayo nagkukumahog sa paglikom ng tulong. Nasaan na ang mga natutunan natin sa ‘pagiging handa?’ Wala ako sa lugar upang pulaan ang mga tumutulong at ang mga namumuno para sa paglikom ng tulong subalit para sa akin, hindi man natin maiwasan ang mga ganitong pangyayari, maari itong mabawasan kung tayo’y handa o naglalaan para sa mga ganitong pangyayari.

Tulad ng lima sa sampung ‘dalaga’ na naghihintay sa pagdating ng ikakasal na lalaki, inisip lamang nila ang panghinaharap. Subalit ang pangyayari sa buhay ay nagsasaad ng isang katotohanan na may mga bagay na pangkinabukasan, mga bagay na hindi sakop ng ating kaalaman kung kalian ito magaganap o lilipas. Simple lamang naman ang aral, ang maging handa para sa mga hindi inaasahang pangyayari sa buhay.  Subalit ang isa pang aral ay ang pamamaraan ng paghahanda – ngayon para sa hinaharap at hindi bukas para sa hinaharap.

Sa bandang huli, hahantong tayo sa mga katagang, “wala nang sisihan, tumulong kung may maitutulong.” Tama naman, pero pagkatapos sana ng ‘unos’ dapat naman na mag-isip at gumawa tayo ng mas magagandang mga pamamaraan upang sa pagkakataon na mangyari ulit ang ganito, hindi tayo nagkukumahog ni nag-aalala ng husto, na kinakailangan pa nating ‘umalis at bumili ng langis para sa lampara’ at matagpuan na tayo ay napagsarahan na ng pintuan. Huwag naman sanang maging ‘sayang’ at ‘nasa huli ang pagsisi’ ang ating kahantungan.

No comments: