Sa pakikipag-kaibigan lagi nating tandaan na hindi lang tayo tumatanggap bagkus mas dapat na tayo ay nagbibigay. Unang-una at higit sa lahat ay ang pagbibigay natin ng ating sarili sa ating kaibigan. Kapag ang pananaw natin sa pakikipagkaibigan ay panay ‘kabig’ hindi tayo magtatagumpay. Gayun din naman kapag ang sarili natin ay wasak-wasak o ang buhay natin ay kalat at pigtas-pigtas, paano tayo makapag-bibigay? Makapagbigay lang kahit kulang? Hindi pupwede ang ‘hulugan’ sa pakikipag-kaibigan dahil hindi tayo bagay na pwedeng bayaran, ilista o kalimutan. Ang kaibigan ay “Ka-ibigan – kasama, kasalo, at kaisa sa pag-big. Ang dalawang panig ay may tungkulin na magbigay at magpuno, hindi lamang tanggap ng tanggap na parang labada o pakyaw sa pagpipintura.”
larawan ni G. John Gervacio |
Ang paanyaya ni Hesus sa Ebanghelyo ni san Juan (15.15), “mula ngayon ay itinuturing ko kayong kaibigan...” At tinumbasan niya ito ng kanyang pag-aalay ng buhay, pagyakap sa nakakatakot na kadiliman ng buhay at pag-ako sa parusang dapat sana’y tayo ang magdaranas. Ang panawagan sa atin ni Hesus ay “mag-ibigan.” Hindi ito kapantay ng “like” sa “facebook” o maging “follower” sa “tweeter,” dahil ang uri ng ‘mag-ibigan’ ay pagbibigay ng sarili na nag-uugat sa malalim na pananampalataya at tunay na pag-ibig.
Kaya isang mahalagang paalala na dapat lagi tayong buo, kumpleto at laging handang magbigay sa tuwing papasok tayo sa isang relasyon ng pakikipag-kaibigan. At mangyayari lamang ito kung uunahin natin na maging kaibigan si Hesus, na siyang bumubuo sa wasak nating buhay, pumupuno sa kakulangan nating magbigay, nagdu-dugtong sa pigtas-pigtas nating kasarinlan. At sa ganitong pagkakataon lamang tayo maaring tunay na makapagbigay ng sarili, na maging isang tunay na kaibigan.
St John Bosco (Don Bosco), pray for us!
No comments:
Post a Comment