Monday, January 30, 2012

Day 29: Bago o Pagbabago?


Nasaan ba ng ‘sikreto’ ng isang masarap na pagkain, nasa sangkap ba o nasa nagluluto? Nasa pagkain ba o nasa kumakain? Sa pananaw ng mga mahilig magluto, nasa sangkap ito; ngunit para sa mga magaling magluto, nasa nagluluto ito. Sa kabilang dako, sa panlasa ng mga kumakain, lalo na at gutom, ang lahat ng pagkain ay masarap. Samakatuwid, ang nagpapasarap sa isang pagkain ay ang sangkap, ang nagluluto at ang kumakain. Sa madali’t salita, ang sikretong sangkap ng isang masarap na pagkain ay ‘pag-iibigan’ na nakapaloob sa mga nabanggit ko.

Madali nating mapuna ang kagandahan ng isang bagay kung ito ay bago. Halimbawa kapag tayo ay may bagong gamit o bagong kakilala – kasam-bahay man o kaibigan – natutuwa tayo at malimit nating sabihin ang mga katagang katulad nito, “wow, bago!” “hanep, ang ganda naman!” “naks, ang porma!” Lahat ng paraan ng pagpapahalaga o pag-iingat ay gagawin natin dahil ayaw nating maluma, masira o mawala ang mga ito. Pero pagkaraan ng ilang panahon, kapag luma na, laos na o matagal ng ginagamit,  ang mga ito ay pawang pangkarinawan na lamang, wala ng pagpapahalaga, wala ng ‘kilig’, wala ng ‘wow!’

Kaya nakakaingganya lagi para sa atin na dapat laging may bago dahil sumasaya tayo, humahanga tayo. Ang tanong, sapat ba ang pang-gastos natin para sa mga bagong gamit? O baka naman, sa kagustuhan mong magkaroon ng bagong gamit kahit utang, kahit hindi na kaya, sige lang. Ganu’n din sa pakikipag relasyon, masabi lang na may kasama, kahit ‘hiram’ na pagmamahal lang; kahit panandaliang kaligayahan lamang, wala na tayong pakialam. Ang importante maligaya ako. Pero ang tanong, hanggang kailan?

Sa Ebanghelyo natin ngayon, namangha ang lahat sa kanilang narinig na aral ni Hesus dahil para sa kanila, bago ang mga ito. Nakita rin mismo ng dalawa nilang mata kung papaanong nagpalayas ng masamang espiritu si Hesus, na kanila ring ikinahanga dahil ang kanyang gawa at salita ay pawang makapangyarihan, may ‘dating,’ ‘ibang-iba kaysa sa iba,’ ‘panalo’ Hindi na nakakapagtaka kung bakit mabilis na naging tanyag ang pangalan ni Hesus. Subalit, hindi ba’t sa bandang huli, sa kabila ng lahat ng ginawa niya, si Hesus ay itinanggi, pinahirapan at ipinako sa krus at pinatay? At ang kabalintunaan ng mga pangyayari ay, sila mismong humanga at pumalakpak sa bago nilang nakita kay Hesus ay siya ring naging sanhi ng kanyang paghihirap at pagkamatay sa krus.

 Sa Ebanghelyo, si Hesus ay naging isang Guro. At ang isang tutoong guro ay nagtuturo o tumutulong upang hanguin o kaunin kung ano ang nasa sa atin na, na hindi natin nababatid at nagagamit dahil hindi natin alam na mayroon tayo ng mga ito o maaring nakalimutan na natin na taglay natin ang mga ito.Nartio ang pagkaka-iba ni Hesus sa mga matatanda ng sinagoga. Hindi siya naglalaman ng kung ano ang kakulangan natin bagkus nagtuturo siya kung paano, sa kabila ng kakulangan natin, malalaman natin na tayo ay mayroon at may kakayahang mapuno. 
Sa Ebanghelyo si Hesus ay isang Manggagamot. Ang isang tutoong manggagamot ay hindi lamang nagpapagaling ng mga sakit sa katawan bagkus pati karamdaman ng kaluluwa; ang isang tunay na manggagamot ay naglilinis din ng isang marumi, at nagdu-dugtong sa pigtas-pigtas na buhay; ang isang tunay na manggagamot ay nagbubuo ng isang taong wasak at kalat-kalat. Ang pagpapalayas ni Hesus ng masamang espiritu ay ang pagpapalaya niya sa taong sinaniban nito. Ang tutoong manggagamot ay nagbibigay kalayaan sa isang nakakulong na buhay.

Kaya hindi na dapat tayo nakatuon sa mga kung ano ang bago, kung ano ang uso, kung ano ang ‘convenient’. Katulad ng mundo natin na napakabilis ng pagbabago. Hindi masama ang pagbabago subalit kung ito ay makakasira ng dangal ng tao, kung ang pagiging ‘convenient’ ay magbubulid sa atin upang tumalikod sa Diyos at paglilingkod sa kapwa, hindi ito ang pupuno at makapagbibigay ng tunay na kaligayahan sa ating buhay.

Sa mata ng Diyos, tayo ay laging bago kahit luma na tayo dala ng ating kasalanan. Subalit ng dahil sa wagas niyang pag-ibig: mula ng tayo ay likhain, hanggang sa tayo ay maligaw, hanggang sa patuloy niyang pakikipagniig sa atin, hanggang sa pagsusugo niya ng kanyang bugtong na anak, at hanggang sa maluwalhati niyang muling pagbabalik, tayo ay mananatiling bago. Ang bagay naluluma, ang tao tumatanda, ang panahon nagbabago, subalit ang Diyos na Guro at Manggagamot ay laging bago, laging tutoo at hindi nagbabago. Subukan nating gamitin ang ating mga mata na may pag-ibig, ang lahat ay magiging kaaya-aya. 

No comments: