Sa mga Katolikong nakadalo o dumadalo sa mga ‘charismatic
fellowship,’ hindi lingid ang mga katagang, ‘Praise the Lord’ at ‘Amen’ bilang
mga sagot sa tanong o pagsangayon sa sinabi ng pari o ng ‘preacher.’ Para sa
kanila, sapat na ang mga sagot na ito upang maramdaman ang katotohanan na ang
Panginoon ay makapangyarihan. Subalit sa
ibang mga Katoliko na hindi masyadong kilala ang mga ganitong gawain, para bang
‘corny’ ang dating. Hanggang sa dumating sa buhay nila ang mabibigat na
pagsubok at suliranin, duon unti-unting nagkakaroon ng kahulugan ang ganitong
mga kataga. Marami ang nagsasabi na ‘nasumpungan nila ang Panginoon’ nu’ng mga
panahon na iyon.’ Ang mga ‘charismatic fellowship’ katulad ng ating mga
sakramento, lalo na ang Banal na Eukaristiya ay mga pamamaraan ng Diyos upang
ipaunawa at ipadama sa atin ang Kanyang presensya. Duon natin Siya nakikilala
at tinatanggap.
Subalit ang pagkilala at pagtanggap ay hindi ‘isang gabing
pag-aaral’ lamang. Kinakailangan nito ang isang proseso, isang karanasan ng
kabanalan at kaliwanagan. Dahil sa ating limitasyon bilang mga tao, hindi natin
minsan masyadong naiintindihan ang mga kilos at salitang ating binibitawan.
Minsan ay ‘oo’ na pero sa kalaunan ay babawiin din pala. Tulad halimbawa ng mga
sagot ni Pedro sa Ebanghelyo ngayong araw na ito (Mk 8.27-33). “Ikaw ang
Kristo” sa tanong ni Hesus kung sino siya para sa kanila. Makikita natin ang
pag-iisip niya sapagkat sa unang pagkakataon, ipinahayag niya ang tunay na
‘kasarinlan’ ng ating Panginoon. Subalit umani man siya ng paghanga ng iba,
hindi kalauna’y ang papuri na natanggap niya ay naging isang mabigat na
pagkastigo sa kanya ng ating Panginoon, nang tumanggi siya sa sinabi ni Hesus
tungkol sa hirap na daranasin niya, “Umalis ka sa harap ko Satanas (get behind me),
sapagkat ang pag-iisip mo ay hindi galing sa Diyos kungdi sa tao!”
c/o beingisgood.blogspot.com |
Dito natin mapatutunayan na ang pagkilala at pagsunod sa ating
Panginoon ay nagaganap din sa ating pang araw-araw na buhay, gaano man kasimple
o ka kumplikado. Sa tutuong buhay ayaw natin ang paghihirap, na kung pwede lang
na araw-araw ay masaya at lahat ay payapa. Kaya nga marami sa atin ang bantulot
nang kilalanin ang ating Panginoon, ayaw nang palalimin ang kanilang
pananampalataya, ayos na ang magsimba, dahil nga sa patunay na kapag lumalapit
ka sa Diyos lalong dumarami ang pagsubok. Mas mabuti na ang manatiling ‘simple’
sa pagsunod dahil kaunti lamang ang pasanin at bigat ng buhay. Subalit ang
ganitong pag-iisip ay hindi naiiba sa pag-iisip ni Pedro. Dumadalo ka man ng
mga ‘charismatic fellowship,’ ‘Bible sharing,’ o karaniwang nagsisimba isang
beses isang linggo lamang, ang hirap at hapis ay kasama na ng buhay. Kilala mo
man si Hesus o hindi, narinyan na iyan bilang kahanay ng buhay. Subalit ang
makilala ang Panginoon at tanggapin siya, narito ang malaking pagkakaiba. Kay
Hesus natin makikita kung papaanong matatanggap ang hirap at hapis bilang parte
ng buhay at paano natin sa kabila ng mga ito, ay makapananatiling makaDiyos at
makatao na tagasunod Niya.
Ang Mesiyas ay tanda ng tagumpay at kapayapaan subalit bago
mangyari ito kailangan muna niyang dumaan sa hirap at hapis. At para sa ating
tagasunod niya, ito ang kahulugan ng “praise the Lord,” at “amen” na sagot –
tinatanggap ang pagdaranas ng hirap subalit naniniwalang kaya itong pagtagumpayan.