Sa Pilipinas, ngayon ay kapistahan ng Sto Niño at isa ito sa
mga malalaking kapistahan na ipinagdiriwang, sa Luzon at lalo na sa Kabisayaan
na pamoso sa pagdiriwang ng tinatawag nating Sinulog Festival. Ayon sa mga
manunulat ng kasaysayan ang imahen ng Sto Niño ay isang regalo mula kay
Ferdinand Magellan para kay Reyna Juana nuong siya ay bininyagan sa
Kristiyanismo. Ang imahen na ito ay makikita sa minor Basilica ng Sto
Nino de Cebu. Dito nag-umpisa ang debosyon ng mga Pilipino sa batang imahen ni
Hesus. Sa katunayan ang mga imahen ng Sto Niño sa Tondo Maynila at Arevalo
Ilo-ilo ay halos kasing antigo (16th century) ng nasabing imahen sa
Cebu.
Sino ba ang hindi matutuwa kapag nakakita ng isang bata, lalo na
ang isang bagong silang o yu’ng naglalakad pa lamang? Ang kanilang maamong
mukha, inosenteng hitsura, nakakatuwang kilos at pagsasalita ang labis nating
kinagigiliwan sa kanila. Ang kaligayahan at disiplina sa sarili na hatid ng
isang bata sa buhay ng magulang o pamilya ay walang kapalit – ngiti, pampapawi
ng pagod, pagsusumikap at pagtitiyaga sa buhay alang-alang sa isang bata atbp.
Likas sa atin ang mahalin, alagaan at ingatan ang bata. Marahil dito nag-uugat
ang ating mainit na debosyon sa Sto Niño (maliban sa ating pananampalataya).
I.
Nilalaman
Ang kaugnayan ng Ebanghelyo sa araw na ito ng pagdiriwang ay
tungkol sa pagtuturo at paghahayag ni Hesus sa Kaharian ng Diyos, na
dumating na o ay nalalapit na. Ang bata ang ginawang halimbawa o modelo ni
Hesus sa pagsasalarawan sa turong ito. Sa sulat ni San Lukas, ang mga alagad ay
nagtatalo kung sino sa kanila ang dakila sa kaharian ng Diyos (Lk 9.46-48). Sa
sulat naman ni San Markos, sinaway ni Hesus ang mga taong pinipigilan ang mga
bata sa paglapit Kanya (Mk 10.13-16). At sa sulat ni San Mateo, tinanong ng mga
alagad si Hesus kung sino ang pinaka dakila sa kaharian ng Diyos (Mt 18.1-5).
Sto Nino de Prague |
Ang Kaharian ng Diyos ang unang ipinahayag ni Hesus matapos na siya’y binyagan at tuksuhin sa ilang, sa unang pagkakataon ng ministeryo niya sa madla (Mk 1.14-15; Mt 4.12-17). Sa sulat ni San Lukas, hindi man ipinahayag ni Hesus ang salitang ‘kaharian’ nuong unang nagturo Siya sa sinagoga subalit ito ay ‘nakapaloob’ sa mga sinabi niya tungkol sa pagparito niya (Lk 4.16-21), at sa pagsasabi ni Hesus kay Nicodemus sa kung paano makakapasok ang isang tao sa kaharian ng Diyos (Jn 3.1-3). Ang paghahari o kaharian ng Diyos ang una at siya ring huling turo ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad (Acts1.3)
Subalit ano ba ang kahulugan ng Paghahari (Kaharian) ng Diyos? Ano
ang nakapaloob dito? At ano ang mayroon sa isang bata upang ilarawan ang
paghaharing ito?
Kay San Markos (1.14-2.12), makikita natin ang tema ng turong ito.
Inihayag ni Hesus ang paghahari at humiling na maniwala at magbalik loob.
Sinundan ito ng pagtawag sa unang mga alagad at ang matulin nilang pagtugon.
Nakita nila ang kapangyarihan ni Hesus laban sa mga maruruming espiritu at ang kakayahan
niyang magpagaling. Ang pagpapahayag niya ng paghahari ng Diyos ay ang
pagpapalaganap ng kabutihan ng Diyos sa lahat – na walang kapangyarihan
ang kasamaan at anumang uri ng sakit sa tao.
Ang paghahari ng Diyos ay siya ring inilarawan ni Hesus sa dalawang
alagad ni Juan Bautista na ipinadala niya kay Hesus upang tanungin kung siya na
ba talaga ang Mesiyas: “Bumalik kayo at ipahayag ninyo kay Juan ang mga
bagay na nakita at narinig ninyo (o nasaksihan): ang bulag ay nakakita,
ang lumpo ay nakalakad, ang mga may ketong ay gumaling, ang mga bingi ay
nakarinig, ang mga patay ay nabuhay muli at ang mabuting balita ay ipinahayag
sa mga aba” (Lk 7.20-22). Ang Kaharian ng Diyos ay nakapaloob sa isang
paghahari at isang kahariang iniligtas, walang kapintasan
at may bagong katauhan.
Sto Nino de Prague |
Gayundin kay San Mateo, isinalarawan ni Hesus ang tungkol sa kung sino
ang pinakadakila sa paghahari ng Diyos sa pagtawag sa isang bata. Ang pagbabago
ng sarili at pagiging aba katulad ng bata ang susi sa pintuan ng paghahari ng
Diyos. Isang paghahari na kinakailangan ang pagtugon, pagtanggap, pagkilos at
paghayo; isang paghahari para sa mga ligtas, at isang paghahari ng pagsasabuhay
ng Kaharian ng Diyos.
II.
Pagpapasiya
Ang mga taong aba at dukha, mga walang boses sa lipunan, mga walang
pumapansin, mga itinuturing na pampabigat at abàla sa buhay, sila ang tinutukoy
at inilalarawan ni Hesus tungkol sa bata. Ang mga ‘maliliit,’ ‘walang
kakayanan’ o ‘boses’ sa lipunan, ang ibinigay niyang huwaran ng tunay na dakila
at pinaghaharian ng Diyos. Ito ay dahil sa dalawang katangian taglay ng isang 'maliit': buong pagtitiwala at kababaan ng loob. Pangkaraniwan na kasi sa mga may sapat ng gulang ang
mag-akala na sa kanila lamang at dapat umiinog ang mundo, na sila na ang bahala sa lahat, may
katigasan ang ulo at sarado ang puso, palalo at mga mangmang, sakim at walang
pakialam, mga pag-iisip at pag-uugaling kakaiba sa katangian ng isang bata.
Kaya nga ang panawagan ay ‘maniwala’ at ‘magbalik-loob’ - maniwala (ng may pagtitiwala) sa nakita, narinig o nasaksihang kabutihan at kapangyarihang mula sa Diyos;
magbalik-loob (na may kababaan ng loob) sa Diyos sa pag-amin na wala tayong kakayahang gumawa ng mabuti
kung wala ang Diyos sa buhay natin, na kailangan natin Siya upang tayo’y
mabuhay. Walang saysay ang pagdiriwang ng kapistahan kung hindi naman natin
mauunawaan ang tunay na dahilan ng pagsasaya. Huwag sana nating patunayan sa
mga pumupula sa mga debosyon ng ating Simbahan na tama sila, na tayo’y mga
mananampalataya ng imaheng gawa sa bato at kahoy at katulad ng mga paganong
nagsasaya.
Sto Nino de Prague |
Maligayang Kapistahan, Viva Sto Niño!
*Mga puntos na
maari nating pagnilayan at pagyamanin:
1.
Tayo
ba ay nagnanais na isulong ang Paghahari ng Diyos o ang paghahari natin sa iba?
2.
Mauna
muna tayong makaalam, maniwala at mabago sa turong ito bago natin hangarin na magkaroon
ito ng datìng sa ibang tao.
3.
Madali
sa atin ang matukso na ilagay ang ating sariling turo bilang sentro kaysa sa
tutoong turo tungkol sa paghahari ng Diyos. Kailangan nating harapin ang mga
paksa na hindi laging madalas pag-usapan; mga paksa na hahamon sa ating
komunidad upang lawakan ang kanilang pananaw at siyasatin ang tunay na motibo
ng ating paglilingkod at paghahayag.