Wednesday, November 14, 2012

Huwag OA…


Dumalo ako sa malakihang ‘Gawain’ ng grupo ng El Shaddai dito sa Roma nu'ng linggo, nag ‘con-celebrate’ sa Misa. Inaasahan ko na na maraming tao dahil una, ito ang ‘first European crusade’ ng El Shaddai dito sa Roma, at dahil nga naroroon din ang punong-lingkod ng grupo, si Bro. Mike Velarde.

Alam ko rin na magiging mahaba ang Misa, magiging masayang-masaya ang buong paligid sa kantahan at sayawan, sabayan pa ng sigaw sa galak at mga galaw ng papuri. Naruroon din ang mga nakilala ko ng mga kapatiran sa Emilia Romagnia, kaya naman mas lalo akong natuwa na makita sila.

May mga paring Pilipino at mga dalawang Sri Lankan na naimbitahang mag concelebrate. Sa tutoo, dapat narururoon ang mga spiritual advisers ng iba’t-ibang cell group ng El Shaddai pero marahil siguro sa ibang kumpermiso ay mga hindi nakarating. Sa parte ko, ako ay hindi isang spiritual adviser ng grupo subalit ako mismo ang humiling na ako’y mag con celebrate. Ako naman ay napagbigyan at nagpapasalamat sa isang kapatiran na ako’y mapaunlakan.

May dalawang bagay akong hindi nagustuhan sa pagdalo ko sa malakihang gawain na ito: una ay ang ‘arte’ ng mga ‘disciple preachers’ na mga tumayong ‘security guards’ ni Bro Mike. Arte dahil sa tutoo lang hindi kinakailangang sobrahan ang pagbantay nila sa punong lingkod na parang dudumugin ng tao. Ako mismo ang nakapuna na ang mga tao, bagamat tuwang-tuwa sa pagdating at na makita ang punong lingkod ay hindi naman nagkakagulo ni nag-uunahan na mahawakan si Bro Mike. Ano ngayon ang ibig sabihin ng kilos nila na animo’y pagkakaguluhan ang pinuproteksyunan nila?

Gusto tuloy nilang palabasin na walang disiplina ang mga tao, na hindi kayang magpakita ng tamang asal o baka gusto nilang makatawag ng atensyon na sila ang bida o dumating na ang bida? OA! Nakakatawa at nakakahiya. Huwag ganu’n dahil hindi ito kailangan. Kung ito ay dahil sa may hindi magandang karanasan ang punong lingkod sa ibang gawain, huwag nilang itulad ito at ang mga tao du’n. Ibagay sana nila at ilagay sa lugar. Tuloy, lumabas silang parang ‘sinasamba’ ang isang ‘imahen.’ Aba’y hindi turong Katoliko iyan at naniniwala akong hindi iyan kukunsintihin ng punong lingkod.

Ikalawa ay ang homiliya: si Kristo dapat ang sentro, si Kristo ang dapat mahayag. At kung may ilalaan tayong mahabang bahagi at oras, ito ay dapat ayon sa pinag-uusapan. Hindi na kailangang hingin ang palakpak ng tao dahil sila na mismo ang papalakpak. Hindi na  kailangang sumigaw dahil hindi mga bingi ang tao. Okay lang ang mag ‘palabok’ sa pagkukwento pero huwag naman sanang ilayo sa tunay na usapin at du’n sa dapat na talakayin. Lumabas tuloy na parang ‘public’ speaking.

Sino ako para humusga? Maaring ako din ay kabilang sa mga pinuna kong mga kilos at pamamaraan, na ako'y nagmamainam at nag-aakalang walang kapalpalkan. Subalit ang layunin ng pamumunang ito ay upang lahat tayo ay matuto, mag-aral at yumabong, du’n sa tama at sa mabuti, du’n sa mga bagay na ang pinag-uugatan ay grasya, du’n sa katotohanang si Hesus ang bida, at siya lamang ang dapat na kinikilala at sinasamba.

Kung babasahin ninyo ito ng may pang-unawa sa inyong puso, walang gulo, walang magiging pagkakabaha-bahagi, subalit kung ang paghahariin natin ay poot at kataasan, walang tayong mauunawaan at matututuhan. 

2 comments:

Zdv85 said...
This comment has been removed by the author.
Zdv85 said...
This comment has been removed by the author.