Thursday, September 27, 2012

Paulit-ulit na lang…


Ang trabaho kapag nawala sa isang tao, mabigat man sa buhay alam niyang makakahanap pa rin siya ng ibang pagkakakitaan. Subalit kapag ang dignidag ang nawala sa tao dahil sa hanap-buhay, hindi siya nakatitiyak na mahahanap pa niya ito. Ano ang mas nakakatakot, ang mawalan ka ng hanap-buhay o ang mawalan ka ng paggalang sa sarili mo? Mababa na nga ang tingin ng ibang lahi sa isang tulad mo, pati ba naman ikaw mababa pa rin ang tingin mo sa sarili mo? Kung may anak ka, ito ba ang ipamamana mo sa kanya? Maipagmamalaki kaya niya na ganito ang inihain mo sa hapag niya?

c/o bullybusters.org
Kung mayroon tayong dapat matutunan sa ginawang pag-aalay ng Diyos ng kanyang buhay, ito’y ang muling ibalik ang dignidad natin bilang tao, bilang nilikhang kawangis Niya. Bakit natin hahayaang kuhanin ang yaman na ito ng takot at pagkawala ng hanap-buhay? Bakit natin hahayaang ipagpalit ang yaman na ito sa isang hindi nagtatagal na yaman?

Ikaw ay mapagtiis, magaling makisama at higit sa lahat ay may tutuong malasakit. Subalit mapupunta sa wala ang mga magagandang katangiang ito kung hindi ka marunong manindigan sa dapat, tama at mabuti.  Huwag mong hayaang mabalewala ang mga ito dahil sa kamang-mangan at pagiging wala sa lugar.  Hindi pa huli ang ikaw’y manindigan at ipaglaban ang iyong karapatan, hindi para sa materyal na bagay kundi sa pansarilng yaman. Dito pumapailalim ang tutuong kahulugan ng hanap-buhay.

Ngayon, kung ibig mo pa ring magpatuloy sa kalunus-lunos mong kalagayan, hindi ka namin mapipigilan; dapat alam mong hindi kami nagkulang na ikaw’y aming paalalahanan. Sa bandang huli ikaw pa rin naman ang mahihirapan pero sana sa susunod huwag mo na kaming idamay dahil lumalabas na ikaw ay isang pasaway.

No comments: