Tuesday, July 3, 2012

Day 189: 'Supporting Role'

Kapistahan nina San Pedro at San Pablo

Ang mga ‘superheroes’ ay may ‘side kick,’ ang mga bida sa pelikula ay may ‘supporting,’ ang ‘beauty queen’ ay may ‘runner-up,’ ang mataas na tungkulin sa pamahalaan ay may ‘vice,’ at kahit sa parokya may tinatawag tayong ‘assistant’ kura-paroko. Ilan lamang itong halimbawa na tumutukoy sa dalawang haligi ng Pananampalataya at ng Simbahan – sina San Pedro at San Pablo.

Kadalasan ang pinapalakpakan ay ang bida, ang napapansin ay taong nasa mataas na katungkulan, ang magaling ay ang namumuno at ang sumisikat ay silang nagpapalakad ng isang sangay ng lipunan. Samantalang ang mga ‘side kick,’ ‘assitant,’ at ‘kanang kamay’ ay lagi lamang nasa likuran, tahimik at nakatago at sa katunayan hindi pa sila mapapansin kungdi pa ipakilala ng ‘bida,’ ng ‘sikat,’ ng kanilang ‘pinuno.’

Magkagayunman ang kanilang ginagampanan ay napakahalaga sa mga kadahilanang:
1.      Sila ang nagpupuno sa kakulangan ng bida (hindi lahat ay kayang gawin ng bida)
2.      Sila ang nagpapatuloy ng ‘legacy’ ng pinuno (kapag ang pinuno ay umalis o nawala na)

Sa katayuan nila bilang alagad ni Hesus, hindi sila tumayo bilang taga-puno ng kakulangan ni Hesus sapagkat wala Siyang kakulangan. Subalit silang dalawa ay naatasang magpatuloy ng kung ano ang ‘naumpisahan’ ng ating Panginoon – ang ipahahayag ang Paghahari ng Diyos. Mas makabubuti siguro kung atin silang kikilalanin at sa ating pagkilala sa kanila, maunawaan sana natin ang mabuting aral ng pagsunod sa kalooban ng Diyos at tayo nawa ay maging mas bukas sa pagtanggap sa panawagan ng ating Panginoon sa atin.

1.    Ang Pagkakaisa sa kabila ng Pagkakaiba
Ang dalawang tauhan na tinatalakay natin ngayon ay magkaiba ng ‘estado’ sa buhay: si San Pedro ay isang mangingisda. Wala siyang mataas na pinag-aralan subalit siya’y may angking kakayahang mamuno. Si San Pablo sa isang tabi ay isang matalinong ‘mag-aaral’ ng pananampalatayang Hudyo. Bilang isang Romano siya ay nakapag-aral ng salitang Griyego at kulturang Romano, magaling magsulat at magsalita.
Sila din ay may magkaibang ugali at katauhan: sa mga ebanghelyo, makikita natin ang ilan sa mga ugali ni Pedro – pabigla-bigla, matigaas ang ulo at masalita. Si Pablo naman sapagkat siya’y may malalim na pagkilala sa relihiyong Hudyo kaya’t may malalim na pananampalataya at prinsipyo.

Magkaiba din ang kanilang pinaglilingkuran pagkatapos na sila ay humayo at ipahayag ang katotohan kay Hesus: si Pedro ay para sa mga Hudyo at si Pablo ay para sa mga Hentil o hindi mga Hudyo. Sa kabila ng pagkakaiba nilang dalawa sila ay nagkaisa kay Kristo. Dahil si Kristo ang tumawag sa kanilang dalawa at nag-atang ng tungkulin humayo at maghayag. Ipinapakita sa atin na sa kabila ng ating mga pagkakaiba tayo ay may kakayahang magkaia sa paglilingkod sa iisang bubong – ang Simbahan na siyang lugar o tahanan na kung saan naghahari ang Pag-ibig ng Diyos, na kung saan si Kristo ang ulo at tayo ang katawan.

Ang Pag-ibig na ito ang nagpupuno sa ating kakulangan, ang nag-uudyok upang tanggapin natin ang kahinaan ng bawat isa, at ang lakas ng ating pinanampalatayanan na sa Diyos ‘walang hindi mapangyayari.’

2.    Ang Pagpili sa kabila ng Kahinaan
Tatlong beses na itinanggi ni Pedro si Hesus. Si Pablo naman ang namuno sa pagpaslang sa unang ‘martir’ ng Simbahan na si San Esteban. Kung iisipin hindi sila karapat-dapat na maging mga pinuno o alagad subalit sina Pedro at Pablo ang naging ‘haligi’ at ‘bato’ ng Tahanan ng Diyos. Ipinapaunawa dito ang dalawang katotohanan:
1.      Iba sa tao ang pag-iisip at pagkilos ng Diyos,
2.      Sa kahit na abang kalagayan nahahayag pa rin ang kabutihan ng Diyos.

Ang taimtim na pagsisi ni Pedro ang nagpanumbalik sa kanya upang ipahayag si Kristo ng may tapang at lakas. Ang pagtawag kay Pablo na naging dahilan upang siya’y mabulag ng ilang araw na siya ring naging liwanag ng kanyang kaluluwa upang humayo at ipahayag si Kristo sa iba.

Sa mga taong tutoong naglilingkod, alam nila na hindi sa ganang sarili nila napangyayari ang mga bagay bagkus dahil sa kagandahang loob ng Diyos. Ang kakulangan natin ay napupunuan ng biyaya ng Diyos, ang kahinaan natin ay pinalalakas ng Diyos.

No comments: