(Lk 22.14-20)
Recollection – Eucharistic Ministers
(Palm Sunday) S. Pudenziana Parish - Rome
Pag-alaala
Ang ‘Pag-alaala’ o ‘Pag-gunita’ ay kinapapalooban ng dalawang bagay: pagbabalik-tanaw ng nakaraan at pagkilanlan. Ginugunita natin ang mga pangyayari sa ating buhay na naganap na, na kung papaanong nu’ng araw na iyon, sa isang natatanging lugar, kasama ang mga kakilala o mahal natin sa buhay, ay naranasan natin ang halaga at ganda ng buhay.
(Halimbawa ang araw ng kasal, kaarawan ng pagsilang, pagtatapos sa paaralan o pagpasa sa pagsusulit atbp).
Subalit pangkaraniwan na sa atin na alalahanin lamang ang mga bagay na nakapagdulot sa ating buhay ng saya at tagumpay. Madalas ang ating isipan ay nakatuon lamang sa kung ano ang mabuti at mga bagay na nagbigay sa atin ng kasiyahan. Iniiwasan nating pag-usapan at pag-aksayahan ng panahon ang mga hindi magagandang pangyayari, mga tinik at pasakit, mga hindi kanais-nais na nakaraan, kabiguan at pagluha. Sa tutoong buhay, sino ba naman ang may nais ungkatin ang pait ng nakaraan na wala namang dahilan upang gunitain, ni ipagdiwang?
(Halimbawa, iniwan ng asawa, pagkalugi sa negosyo, pagkakasakit, pagkamatay ng mahal sa buhay atbp).
Masaya man o malungkot; matamis man o mapait; maganda man o pangit ang mga pangyayaring ginugunita o inaala-ala natin, ang mga ito ay hindi maita-tanging bahagi ng ating buhay. Sa mga pangyayaring ito tayo nagkamalay, lumago, nagbago, nagsumikap at nakakita ng pag-asa; sa mga bagay na ito natin nasasalamin ang ating mga sarili, kung sino tayo – o ang tinatawag nating kasarinlan. Mahalaga sa buhay ng tao na malaman at makilala natin kung sino at ano tayo dahil ang kakayahan na ito ang nag-aangat sa atin mula sa mga hayop, at nag-aangat sa atin patungo sa Diyos.
(Pagbabahagi ng karanasan tungkol sa kaguluhan ng buhay na bunga ng wala o malabong kasarinlan).
Kaya nga kung gusto natin ng maayos na buhay, ang unang mahalagang hakbang na dapat nating gawin or matutunan ay ang malaman natin ang ating kasarinlan. At magagawa lang natin ito kung tayo’y magbabalik tanaw.
Naririnig natin madalas ang mga katagang, “pasensya na po, tao lang!” Alam ko gasgas na pasulot na ito subalit may katwiran naman. Bilang tao, tayo ay mahina, nagkakamali, nakakalimot, nagkakasala. Pero, ang sagot ko diyan ay, “Pasensya na rin, ikaw ay tao rin!” sapagkat sa kabila ng ating kahinaan tayo ay may mga kakayahang itama ang mali, iwanan ang luma at tunguhin ang bagong buhay, magsisi at talikdan ang kasalanan. Sa palagay ko ito ang madalas nating nakakalimutan, na bilang tao tayo ay mayroong kakayahan na magbago at magpakabuti, mag-isip at gumawa ng tama, magsumikap at mabuhay ng maayos. Subalit dahil ipinipilit natin na tao ‘lang’ tayo hindi tayo makausad, hindi tayo makaahon sa kumunoy ng magulo at makasalanan nating buhay. Naniniwala ako na hindi ito ang nais ng Diyos sa atin, hindi ito ang ating kasarinlan dahil sa simula pa ng paglikha, tayo ay pinagpala na ng Diyos (Gen 1. 28), at kahit na tayo ay nagkasala sa Kanya, patuloy niya tayong pinagpapala (Gen 9.1). Upang hindi natin ito makalimutan, ninais Niya na makipagtipan sa atin – “Ako ang kanilang Panginoon, at sila ang Aking sambayanan” (Jer 31.33). Sa takdang panahon, minarapat Niya na magkatawang-tao at makipamuhay sa gitna natin (Jn 1.14) upang ang pagpapala Niya sa atin ay maging ganap at kasiya-siya (Jn 10.10b). At sa pamamagitan ng nag-iisang Tagapamagitan, ang ating ‘pagkatao’ ay nanumbalik; sa pamamagitan ni Kristo, tayo ay naging bagong nilalang (2 Cor 5.17).
Kung ang katotohang ito ay nauunawaan natin, naniniwala ako na mga pamamaraan natin sa pag-alaala sa Mahal na Pasyon at Pagkamatay ng ating Panginoon, tulad ng ‘senakulo, hampas-dugo, visita Iglesia, pagtatayo ng kubol, hindi pagkain ng karne atbp.’ ay mas lalong magiging makahulugan at makabuluhan. Dahil sa pag-gunita na ito natin tunay na makikila ang ating sarili, ang ating kasarinlan, na tayo ay hindi ‘tao lang’ bagkus ‘tao rin,’ makasalanan ngunit ‘ligtas na mga makasalanan.’ At dahil sa katotohanang ito, nararapat lamang na ang pag-gunita natin sa Mahal na Araw ay nakapaloob sa isang pagdiriwang.
Pagdiriwang
Kadalasan ang ating pagdiriwang ay kinapapalooban ng mga nakaraang pangyayari at sa pag-gunitang ito, nagkakaroon ng bagong kahulugan ang ating pagdiriwang. Sa tradisyon ng Simbahang Katolika, ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ay ang “pinagmumulan at rurok ng Kristiyanong pamumuhay…sapagkat sa banal na Eukaristiya nakapaloob ang kabuuan ng grasya ng Simbahan, walang iba kung hindi si Kristo, ang ating Pasko.” (CCC1324) Kapag tayo ay nagdiriwang ng Santa Misa, ginugunita ng Simbahan si Kristo, at nagbabalik-tanaw sa Kanyang mga tinuran, ginawa at buong buhay. Sa pamamagitan ng pag-gunita, umaabot tayo sa kaalaman at pag-unawa ng pag-ibig ng Diyos.
At ngayong araw na ito ay pagdiriwang ng pagmamahal ng Diyos. Nagdiriwang tayo sa pag-alaala kung sino tayo: 1) taong makasalanan 2) kailangan natin ang Diyos 3) nakaasa tayo sa Diyos para sa ating kaligtasan. Katulad tayo ng ‘alibughang anak’ sa ebanghelyo ni San Lukas (15. 11-32), na nagising at napagtanto kung paanong ang kanyang pagkakamali ay nagbulid sa kanya sa kahirapan at kaguluhan, subalit dahil sa pag-gunita niya kung gaano siya kamahal ng kanyang ama, siya ay nagkusa na baguhin ang kanyang buhay at bumalik sa kanyang ama. At ang mga sumunod na pangyayari ay puno ng masayang pagdiriwang, pagdiriwang ng tagumpay at ng buhay. Gayun din naman, habang ina-alaala natin ang ating pagkatalo at tagumpay, ang ating kamatayan at pagkabuhay na muli, ang ating pagkatao at ang dakilang Pag-ibig na ating tinanggap, nararapat lamang na tayo ay magdiwang. Ang pagdiriwang natin ang magbibigay sa atin ng “Pag-asa” sa bagong simula, magdudulot sa atin ng pagpupuri at pasasalamat, at magdadala sa atin ng tuwa at galak.
Kaya nga ang pagdiriwang natin ng ‘ash Wednesday’, ‘via Crucis,’ pag-aayuno, pagbibigay ng limos ay nanatiling makahulugan ngayon. Walang kabuluhan ang pagdiriwang kung walang pag-gunita,
(Halimbawa, ang pagdiriwang ng debut ng anak na babae. Makabuluhan ito sa mga magulang dahil sa kanilang alaala ang dati nilang ‘baby’ ngayon ay dalaga na. Kaya kahit gumastos, ayos lang).
at walang pag-gunita kung wala tayong pakiki-isa.
(Halimbawa, paano mo gugunitain ang isang pangyayari kung ayaw mong pag-usapan. Kahit anong pilit mo, ang sagot ng tao ay hindi. Kaya nga nauso ang mga katagang, “KJ naman nito”).
Magandang halimbawa ng pinag-uusapan nating ‘pag-gunita, kasarinlan at pagdiriwang’ ay ang kwento ng dalawang alagad ng Panginoon na papuntang Emmaus (Lk 24. 13-35):
1) kung gaano sila kalungkot habang pinag-uusapan ang sinapit na kamatayan ni Hesus (Pag-gunita)
2) kung paanong nag-alab ang kanilang mga puso habang pinapaliwanag ni Hesus ang kabuuan ng kwento tungkol sa Kanya (Pakikipag-isa)
3) kung paanong sa pag-hati ng tinapay sa hapag, nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala (hindi nakita) si Hesus na nasa kalagitnaan nila (Pagkilala)
4) kung paanong ang pag-gunita, pakikipag-kaisa, at pagkilala ay nagdulot sa kanila ng sigla at lakas upang ipahayag ang katotohan tungkol kay Hesus.
Naniniwala ako na ang pagdiriwang natin ng araw na ito at ang pagdiriwang ng Mahal na Araw ay hindi lamang isang ‘tungkulin’ bagkus isang sariling pananalig, paniniwala at pag-sangayon na, “tandaan mo na ikaw ay nagmula sa alabok, at sa alabok ikaw ay magbabalik.” (Gen 3.19)
Paniniwala
‘Maniniwala ako kapag nakita ko.’ Ito ang madalas nating marinig kapag pinag-uusapan na ang paniniwala. Pangkaraniwan na ito sa atin dahil tayo ay mga taong may ‘pandama.’ Naniniwala tayo kapag nadadama natin ang pangyayari (nakikita, naririnig, nalalrsahan, nahahrwakan, naaamoy). Kaya nga gumagamit tayo ng mga bagay bilang simbolo ng ating layunin, halimbawa ang singsing para sa magkasintahan ay sumasagisag ng pagmamahal o ang regalo bilang sagisag ng kahalagahan ng isang tao. Subalit may mga bagay at pangyayari na hindi kaya ng ating mga pandama. Dito tayo ngayon nagkakaroon ng malaking hamon dahil kinakailangan nito ang tapang at pagtitiwala.
Tingnan natin ang pangyayari sa muling pagkabuhay ni Hesus, ang salaysay tungkol kay Tomas, ang tinatawag na kambal o mas tanyag sa tawag na ‘doubting Thomas.’ Para kay Tomas, gusto niyang makasigurado sa kanyang narinig, gusto niyang makita ng kanyang dalawang mata at mahawakan ng kanyang kamay ang sugat ni Hesus bago siya maniwala. Sa isang banda sasa bihin natin na mahina ang kanyang pananampalataya, ngunit sa isang dako, kahanga-hanga ang kanyang ginawa dahil pagkatapos ng pangyayari siya ay walang takot na naghayag ng tungkol kay Hesus.
Dalawang bagay ang ating dapat na matutunan dito:
- Ayos lang ang magduda, magtanong, o mag dalawang isip. Bilang tao, likas sa atin ito. Subalit dapat ang mga pamamaraan natin ay hindi magbubulid sa atin sa pagkakasala.
- Hindi tayo dapat huminto lamang sa likas nating pandama. Bagkus, kinakailangan na bukas ang ating pang-unawa sa mga bagay na hindi natin nakikita. Dito pumapasok ang pananampalataya.
Sa bandang huli, mapalad ang mga naniniwala sa mga bagay na makalangit kahit hindi ito nakikita.
No comments:
Post a Comment