(Ikaapat na Linggo sa panahon ng Kwaresma)
Ang Ebanghelyo ay napapalooban ng paghahambing sa dalawang katauhan ng paglilitas ng Diyos sa tao:
1. Unang binanggit si Moyses na siyang tagapag-abot ng Batas. Oo nga at umakyat siya sa bundok at bumaba na dala ang Kautusan mula sa Diyos, subalit hindi siya umakyat sa langit. Si Hesus ay bumaba mula sa langit (at hindi hulog ng langit) at ngayo’y nangungusap ng mga bagay na alam na niya, nakita at narinig sa langit. Ang ‘karunugan’ ng Diyos para kay Moses ay nakapaloob sa Batas, subalit ang ‘karunungan’ ng Diyos ay si Hesus.
2. Ang ikalawang paghahambing ay ang tungkol sa kwento ng ‘ahas’ sa ilang. Kung paanong ang pag-gawa at pagtataas ng tungkod na may ulo ng ahas ay nakapagligtas ng maraming buhay, ito ay sumisimbolo sa pansamantalang kagalingan at dugtong na buhay. Subalit ng ang ating Panginoong Hesus ang itinaas na nakapako sa Krus, hindi lamang tayo nagkamit ng tunay na kagalingan bagkus ang pagkapako ng Anak ng Tao ang naging daluyan ng buhay na walang hanggan para sa lahat.
3. Ang mga pagkukumparang ito ay tumutukoy sa iisang katotohanan, na MAHAL tayo ng Diyos. Ito ay pinagtibay at pinatunayan Niya sa pagsusugo niya ng kanyang bugtong na Anak Ang dakilang gawa ng Diyos na ito ang nagdala sa mundo ng buhay at kaligtasan. Kahit ang paraan ng pagkakatawang tao ng Karunugan ng Diyos ay naging masalimuot, walang agam-agam na masasabi natin na napakadakila ng Pag-ibig ng Diyos sa atin dahil ito ang naging pangunahing layunin ng Diyos sa paglapit niya sa tao.
4. Maliwanag na nalaman na natin ang kahalagahan natin sa Diyos. Ngayon ang tanong, mahalaga ba para sa ating buhay ang Diyos? Dahil sa ipinamalas na Pag-ibig ng Diyos sa atin, naibahagi na niya ang para sa kanya. Ngayon, ang kailangan nating gawin ay ang ating “bahagi” upang makamtan natin ang biyaya ng Diyos sa atin. Ang regalo kahit libre ay tinatanggap at pinapahalagahan. Gayun din naman ang regalong alok ng Diyos ay dapat din nating tanggapin, sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Marami sa atin ang hingi ng hingi ng biyaya mula sa Diyos ngunit hindi alam kung papaano ito tatanggapin.
5. Samakatuwid, ang pagtanggap ay kinapapalooban ng responsibilidad. Tulad halimbawa ng regalo ng ating pananampalataya. Ito ay dapat na may kaakibat na tungkulin na ipahayag at ipamalas, lalo sa mga pagkakataon ng pagsubok at ‘krisis’ ng buhay. Ang pananampalataya natin ang panlaban natin sa bumabalot na takot mula sa kasalanan at kamatayan, kasamaan at kadiliman. Ang tutoong naghahanap ng katotohanan ay hindi matatakot na harapin at lapitan ang liwanag ng mundo. Bagamat ang liwanag ay nagdudulot ng paghusga, ito ay nagpapalaya at nagpapagaling. Hindi ba’t sa liwanang lamang natin mahuhusgahan na mabuti ang isang bagay o sitwasyon? Gayun din naman ang liwanag ng Diyos ang siya ring naging paraan upang makita at maranasan natin ang Pag-ibig niya.
No comments:
Post a Comment