Ang katanungan na ito ay maaring sagutin sa dalawang paraan:
1. Ang pagiging magulang ay ang pagkakaroon ng anak na kalamitan ay tumutukoy sa bunga ng pagtatalik o pagsasama ng mag-asawa o magkasama sa buhay. Mayroon din naman ng dahil sa problema ng kalusugan o dahil sa sariling kapasiyahan ay nag-aampon upang magkaroon ng anak. May mga tao din naman na sapagkat dulot ng pagtugon sa tawag ng pananampalataya at paglilingkod ay nag-aalaga ng mga anak na pinabayaan at binalewala ng mga sarili nitong mga magulang. Bagamat ang dalawang uri o grupo ng tao na aking nabanggit ay hindi mga magulang sa ‘natural’ o pangkaraniwang pagkakaunawa, sila din ay mga magulang sa kanilang ginagawang pag-aaruga at pagbibigay ng pagmamahal sa kanilang mga ‘anak.’
2. Sa isang dako, ang pagiging magulang ay tumutukoy sa pagpapakita, pag-ako at pagtupad sa tungkulin ng mga
magulang sa kanilang mga anak. Kaya nga hindi natatapos ang pagiging magulang ng isang tao sa pagiging kadugo o pagluluwal lamang. Ang pagiging magulang ay isang panghabambuhay na pagtugon sa panawagan ng Diyos, na kinapapalooban ng habambuhay na pagtitiis, pag-aalay at pagbibigay ng sarili alang-alang sa sinisintang anak.
Nang dahil sa katotohanang ang dalahin na ito ay ‘panghabambuhay’ kung kaya’t marami ngayon ang nagpapasya na huwag magkaroon ng anak, dahil sa takot sa tungkulin, dahil sa takot na maghirap at magtiis. Maraming tao sa kasalukuyan na mas pinipili na mag-alaga ng mga hayop tulad ng aso at pusa, at itinuturing nilang parang tao: binibilhan ng laruan, ng mga damit at pagkain, at dinadala sa ‘parlor’ para sa pagpapaganda. Mayroon din na may sariling bahay o tuluģan, at hindi na ako magigitla kung kahit sa ‘last will and testament’ ng kanilang mga ‘magulang’ ay kabilang sila. Nakakatawa man subalit ito ay laganap na nangyayari ngayon.
Simple lang naman ang dahilan kung bakit mas gusto nilang maging ‘magulang’ ng hayop kaysa ng tao: ayaw nilang umako ng malaking pananagutan. Kaya nga madali para sa atin na husgahan sila na mga ‘makasarili’ at ‘duwag.’ Subalit sa isang banda, maari din nating sabihin na may katwiran sila dahil sa hirap ng buhay ngayon, hindi biro ang maging isang magulang, “Mas mabuti nang walang anak kaysa mayroon nga subalit hindi naman kayang buhayin at bigyan ng magandang kinabukasan.” May napakalaking patotoo sa katwiran na ito na maaring maging pagtatapòs ng isang argumento o pagtatalo.
Subalit ang parehong katwiran na ito ay lubos na mapanlinlang, dahil inilalayo nito tayo sa tutuong kahulugan at kakanyahan ng pagiging magulang – ito ay ang WALANG PAG-IIMBOT na pagmamahal. Ang Diyos Ama ang nag-iisa at ganap na halimbawa ng pagiging magulang, “Nang dahil sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang manampalataya sa kanya ay hindi mapahamak bagkus magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Jn 3:16)
Kung tutuusin dahil sa ating masamang gawa, tayo ay nagkasala sa Diyos. Ang pagkakasala natin na ito ay nagbunga ng isang napakalaking utang na hindi natin kayang bayaran. Maaring ipawalang bisa ng Diyos ang pagkakautang na ito subalit ang Diyos ay ganap na Makaturungan kaya nararapat lamang na tayo ay magbata ng hirap at tanggapin ang parusa ng Diyos sa ating kasalanan. Hindi tayo maaring maghinakdal o dumaing dahil karapat-dapat lamang natin itong danasin.
Subalit ang Diyos ay lubos ding Maawain, kaya’t minarapat niya na akuin at bayaran ng buo ang ating utang, sa pagkakatawang-tao Niya na nagbunga ng malagim na paghihirap at kamatayan na dapat sana’y tayo ang magdanas. At dahil sa napakalaking pagkukusa na ito sa bahagi ng Diyos, tayo ay nagkaroon ng kaligtasan; ng bagong anyo; ng buhay na walang hanggan.
Nang dahil sa napakagandang biyayang ito makakayanan natin ang kahirapan, pagtitiis, takot at pagdurusa dahil tayo ay may lakas na nagmumula sa ating pananampalataya sa pangako ng Diyos. Kaya nga ang katuwirang, “Mas mabuti nang walang anak kaysa mayroon nga subalit hindi naman kayang buhayin at bigyan ng magandang kinabukasan.” ay isang baluktot at buktot na katuwiran. Ang mga tao lamang na walang pananampalataya ang kayang gumawa nito. Subalit tayong mga kumikilala, nananampalataya at sumusunod sa ating Panginoong Hesukristo, batid natin kung paanong maging isang tunay at mabuting magulang, dahil si Hesus ang katauhan ng Diyos Ama, ang pagpapahayag ng Kanyang Karunungan, Katarungan at walang pag-iimbot na Pagmamahal. Amen.
No comments:
Post a Comment