Sunday, March 11, 2012

Day 72: Ano ba talaga Bro?

(Jn 2. 13-25 Ikatlong linggo sa panahon ng Kwaresma)

Sa isang pakikipag-talamitam, mahalaga na dapat tandaan na kailangan ang bawat katagang ating sinasambit ay malinaw sa pandinig ng mga nakakarinig o maging sa nagsasalita. Ibig kong sabihin, dapat na ang kahulugan ng mga kataga ay batid at naiintindihan ng mga nakikipag-talamitan. Sapagkat ang kahulugan ng mga salita ang siyang nagbibigay ng pagkakataon sa dalawang panig upang magkasundo o mag-away.

May mga salita tayong kung tawagin ay may dalawang kahulugan o “double meaning,” tulad halimbawa ng katagang “malamig” o “mahangin” na maaaring tumukoy sa klase ng panahon o sa damdamin o ugali ng isang tao. May mga kataga rin na sa kalaunan ng panahon ay nagkaroon na ng ibang kahulugan, tulad halimbawa ng salitang “silahis” na ang tutoong kahulugan ay sinag ng araw subalit ngayon ay tumutukoy sa “dalawang kasarinlan” ng isang tao. May mga kataga rin na sa pagkakasulat ay pareho subalit sa diin o tuldik ay may magkaibang kahulugan, tulad ng “aso” na tumutukoy sa isang hayop at “asò” na tumutukoy sa usok ng apoy.

May mga salita din na dahil sa pagiging kilala ay naging kinatawan ng lahat nitong kauri. Halimbawa, kapag sinabi nating “colgate,” ito ay tumutukoy sa panlinis ng ngipin. Subalit para sa karamihan, maging ibang tatak man ang gamit nilang panlinis ng ngipin (happy, crest, aquafresh etc.), ang tawag nila dito ay “colgate.” Sa napakaraming ‘kalabuan’ ng mga salita, hindi nakakapagtaka na maraming kagalitan at hindi pagkakasundo ang bumabalot sa samahan ng dalawa o pulutong ng tao.
c/o media.photbucket.com

Sa Ebanghelyo ngayong linggo, nabasa natin na si Hesus ay nagpahayag tungkol sa kanyang sasapitin na paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay sa mga taong umuusig sa kanya sa ginawa niyang pagpapa-alis sa mga “mangangalakal” sa templo at sa kung ano ang karapatan ni Hesus na gawin ito. Sa paghingi nila ng palatandaan kay Hesus, sinabi niya na, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw.”

Ito ang malinaw na halimbawa ng mga tinuran ko sa umpisa tungkol sa ‘malawak’ o ‘kalabuan’ ng kahulugan ng mga salita. Para sa mga nagtanong kay Hesus ang pagkakaunawa nila sa kanyang tinuran na salitang “templo” ay ang ‘orihinal’ at ‘literal’ na kahulugan ng isang ‘gusali’, kaya’t hindi nakakapagtaka ang pagsambit nila ng Apat na pu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo lang sa tatlong araw?

Suriin pa natin ang mga katagang ating nabasa. Sa tinuran na salita ni Hesus, mukhang nasa katuwiran ang pagtatanong ng mga tao dahil ang pinag-uusapan ay ang templo na ‘inangkin’ ni Hesus na ‘tahanan ng aking Ama.’ Nangangahulugan sa kanilang pag-uusig kay Hesus na sila din ay may karapatan sa templo na ito kung ang Ama na pinag-uusapan ay ang Diyos. Subalit sa paghingi nila ng palatandaan kay Hesus, nais nila siyang tuyain sa pangangahas ni Hesus na angkinin ang templo dahil ito ay templo ng ‘kanyang’ Ama. Ngunit ang sagot ni Hesus, na ayon kay San Juan ay tumutukoy sa templo ng kanyang katawan,” ay nanatiling tapat sa kanyang pagsasabi ng “tahanan ng aking Ama.”

Samakatuwid, silang mga nagtanong ay walang-wala sa katwiran dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

1.    Kung ang palagay o paniniwala man nila na ang templo ay ‘pagmamay-ari’ ng Ama (Diyos) na tinutukoy ni Hesus, ay ang kanila ring kinikilalang Ama (Diyos), bakit ginawa nila itong ‘pugad’ ng ‘pangangalakal?’ Dahil malapit na ang kapistahan ng Paskwa na ipinagdiriwang sa pamamaraan ng paghahandog ayon sa batas ni Moyses, ang mga mangangalakal na nabanggit ang siyang nagbebenta ng mga ‘handog’ o ‘alay’ sa mga tao para sa ‘sakripisyo’ sa templo. Hindi nagalit si Hesus sa kanilang hanap-buhay, nagalit ang Panginoon sa pamamaraan ng kanilang paghahanap-buhay na kinapapalooban ng ‘panlalamang’, ‘panloloko’ at ‘pagsasamantala.’ Kung sa paniniwala ng mga mangangalakal na sila din ay may karapatan sa templo,dahil ito rin ay tahanan ng kanilang Ama, bakit taliwas ang kanilang ginagawa sa tutuong hangarin ng Ama para sa tao?

2.    Ang lahat ng Hudyo sa maraming lugar ay nagpupunta sa Herusalem upang ipagdiwang ang “Passover” at dahil mula sila sa iba’t-ibang dako ng lupain kinakailangan na mayroong lugar sa pagpapalit ng kanilag salapi. Kaya kasama sa pinalayas ni Hesus ay ang mga namamahala ng “money exchange.” Subalit ang binigyang diin ng galit ni Hesus ay ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” na ang bumibili dito para iaalay ay ang mga mahihirap na tao – sa kadahilanan na iyon lamang ang kanilang makakayanang bilhin at ihandog na alay. Subalit kahit ang mga mahihirap ay sinasamantala ng mga mangangalakal.

3.    Mababatid natin ayon sa kanilang tinurang panunuya na ang mga taong ito ay walang ‘sintido kumon’ dahil hindi sila nag-iisip bago magsalita. Kabaligtaran ito ng tao na ang uri ng pagtatanong ay ukol sa paglilinaw at pagtanggap ng paliwanag. Kung sana’y inumpisahan nila ang pagtatanong ng “Ano ang ibig mong sabihin sa iyong tinuran?” at hindi sa paraan ng pangungutya at panghuhusga, disin sana’y sinagot sila ni Hesus at nalaman nila na ang kasagutan ay patungkol sa kanilang kaligtasan. Subalit sa paraan ng kanilang pagtatanong makikita natin ang kababawan hindi lamang ng kanilang buhay at pag-iisip, higit lalo ng kanilang pananampalataya; sa paraan ng kanilang pagtatanong malalaman natin na wala silang pinaniniwalaan kundi ang kanilang sariling kakayahan at kaalaman. Kaya naman kahit marami ang naniwala kay Hesus dahil sa nakita nilang mga palatandaan, hindi niya ipinagkatiwala ang kanyang sarili sa kanila, dahil sila ay mga taong ‘walang laman.’

May mga usapan o salita na maliwanag at tama ang pagkakasabi at layunin subalit tinatanggap at sinasagot ang mga ito sa baluktot na katwiran. Kadalasan ang mga ito ay balot ng kasamaan at kasalanan. Ang ginawang ‘paglilinis’ ni Hesus ng templo ay ang paanyaya sa bawat isa sa atin na linisin ang ‘pangangalakal’ ng ating mga sarili; ang ating mga puso at isipan; ang ating katawan na siyang ‘templo’ ng Diyos.   


No comments: