Alam ko pagod kayo sa trabaho. Kayo ba naman ang araw-araw, mula umaga hanggang gabi ang magtrabaho? At hindi lang basta trabaho, ‘kayod marino’ pa. Sa dami kasi ng sinusuportahan dito at lalo na sa Pilipinas, hindi pupwedeng hindi maging ‘inday’ o ‘dodong’ (no offense to our Visayan speaking brethren) mula Lunes hanggang Sabado, at kung minsan, ipinipilit pa ang araw ng Linggo. Ito na sana ang araw ng pagsamba (para sa mga naniniwala sa Diyos) o araw ng pahinga (para sa pangkaraniwang nilalang), pero dahil kailangan, gusto o dala ng pangangailangan, sunod tayo sa tawag ng mga kadahilanan. Kaya nga ang mga ‘mottos’ ng karamihan, ‘bawal magkasakit,’ ‘bawal ma-late,’ ‘ma-late na, huwag lang absent,’ ‘itatrabaho ko na kasi sayang naman ang kikitain ko,’ ‘walang choice eh, kailangan!’ at marami pang samu’t saring pansariling panuntunan. Sa madali’t salita, ito ang tinatawag nating “Hanap - Buhay.”
Subalit maaring hindi natin napapansin na ang paghahanap-buhay natin ay nagiging ‘hanap-patay’ na, taliwas sa tutoong kahulugan ng (pag)hanap-(ng)buhay. Ilan sa atin ang nawawalan ng panahon sa pamilya, kaibigan at sa sarili dahil sa paghahanap-buhay? Tuloy ang nangyayari ay masalimuot na relasyon sa pamilya, kaibigan at kakilala. Ilan sa atin ang nakakalimot sa tungkulin natin sa Diyos at sa Simbahan dahil sa paghahanap-buhay? Tuloy ang nangyayari ay panghihina ng pananampalataya, pagbaba ng kasarinlan at moralidad, at madaling pag-ayon sa tawag ng bisyo. Ilan sa atin ang pilit na itinatangging kailangan na nilang komunsulta sa medico dahil sila’y maysakit? Sa ganitong kalagayan ng buhay ng isang naghahanap-buhay, parang hindi yata ito akma sa salitang hanap-buhay, sa halip ang paghahanap ng buhay ay naging hanap-patay.
Kaya nga ang nais kong tukuyin at bigyang pahalaga sa akda (artikulo) kong ito ay ang salitang hanap-buhay; na ito ay nag-ugat mula sa dalawang salita, ‘hanap’ at ‘buhay’ na ang ibig sabihin ay maaring, paghahanap ng buhay o paghahanap ng ikabubuhay. Alin man sa dalawa, ang tumbok na salita ay ‘buhay.’ Naririto tayo upang mabuhay at para sa buhay. Lahat ng ating ginagawa at nais makamtan ay para sa ating buhay. Pero huwag nating kalimutan na ang ‘trabaho’ ay isa lamang sa pamamaraan upang tayo ay mabuhay, upang madugtungan ang ating buhay. Kung ang ‘trabaho’ ang nagiging dahilan upang masira ang relasyon natin sa ating pamilya, kung ito ang nagiging puwing sa ating mga kaibigan at kakilala, kung ito ang nagiging dahilan ng pagbaba ng ating moralidad at kasarinlan, at kung ito ang nagiging sanhi ng panghihina ng ating pananampalataya o pagtalikod sa Diyos, nangangahulugan na hindi ito ang tama at tutoong ‘hanap-buhay.’
Huwag nating kalimutan ang sinabi ni Hesus, “Hanapin muna ninyo ang Kaharian at ang Kanyang katwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mt 6.33) Dito sa mga salitang ito nakapa-ilalim ang tunay na kahulugan ng ‘hanap-buhay’. Ang Diyos ang pinagmumulan ng ating buhay at ng ating mga ikinabubuhay. Pakinggan, sundin o gawin natin ito at tiyak na tayo ay giginhawa sa buhay, siguradong mahahanap natin ang tutoong buhay. At idagdag pa natin ang winika ni Hesus, “naparito Ako upang bigyan kayo ng buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya.” (Jn 10.10b) Salaminin natin kung sa ating paghahanap-buhay, ang buhay ba natin ay nagiging ‘ganap’ at ‘kasiya-siya’? O baka naman hanap-patay na ‘yan, hindi mo lang namamalayan? “Aba’y sayang naman ang buhay!”
No comments:
Post a Comment