6th Sunday in OT
(Marcos 1. 40-45)
“Father, ipag-‘pray’ n’yo po ako ha!” Ito ang madalas kong marinig sa tuwing ako’y makakatagpo ng isang kakilala o bagong kakilala. Nagpapadasal ang tao dahil sa dalawang kadahilanan:
Una, dahil naniniwala tayo na higit na may kakayahan ang isang tao kaysa sa atin dahil mas malapit siya sa Diyos. Karaniwan ang tinutukoy natin ay ang mga pari, madre o yaong mga taong naghahayag ng salita ng Diyos.
Pangalawa, dahil inaamin natin sa sarili natin na wala tayong kakayahan, hindi tayo karapat-dapat na lumapit sa Diyos, nahihiya tayo o minsan nawawalan ng pag-asa dahil alam natin na dahil sa nagawa nating mga kasalanan, tayo ay hindi diringgin ng Diyos.
Subalit sa pamamaraan ng Diyos, lahat tayo ay may kakayahan. ‘Walang palakasan sa Diyos’. Kung tayo man ay gumagamit ng tagapamagitan upang makalapit sa Diyos, hindi ito nangangahulugan na aasa na lang tayo sa tulong ng iba at ipapaubaya ang gusto natin makamit sa pamamagitan ng kanilang tulong. Lumalapit tayo at humihingi ng tulong dahil kapos tayo sa lakas ng loob o kaalaman na ang ibig sabihin ang tulong ng iba ay pupuno o magdaragdag lamang sa kung ano ang mayro’n tayo, kulang man o kaunti.
Lumalapit ang isang tao sa Diyos sa pananalangin dahil kinikilala niya ang kaharian, kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos – alin man sa humihingi, nagpupuri o nagsisi. At dahil dito, dahil sa pag-amin at pagpapasakop ng taong lumalapit, kinalulugdan siya ng Diyos at dinirinig ang kanyang panalangin. Kaya nga ang katuwiran natin kung bakit tayo nagpapadasal sa ibang tao ay, “malakas ka kasi kay Lord!”
Subalit sa tuwing tayo’y magpapadasal sa isang tao, at matapos nating matanggap ang ating kahilingan sa Diyos, ang tutoong mas nakatanggap ay ang taong nagdasal para sa atin. Sapagkat sa tuwing ang taong ito ay lalapit sa Diyos, siya’y umaamin at nagpapasakop. Dahil sa kanyang kababaang loob, lubos na nalulugod ang Diyos.
Ganito ang ginawa ng taong may ketong sa Ebanghelyo, lumapit siya kay Hesus at kusang loob na humingi ng kagalingan. Wala siyang pwedeng asahan na magdarasal sa kanya dahil walang taong magnanais lumapit sa kanya. Ang ketong nuong panahon na iyon ay hindi lamang sakit ng balat bagkus lalo na ng kaluluwa – para sa kanila isa itong parusa ng Diyos sa kasalanan ng taong may ketong.
Kung ganu’n kanino sila lalapit para sa kanilang kagalingan kung ang lahat ng tao ay umiiwas sa kanila? Sino ang kanilang magiging tagapamagitan? Kaya hindi nakakapagtaka na talagang humugot ng lakas ng loob at pananalig ang taong may ketong na binanggit sa Ebanghelyo na lapitan si Hesus at hindi siya nabigo. Siya ay gumaling sapagkat ang kanyang nilapitan ay ang iisang Tagapamagitan ng tao sa Diyos, ng mga makasalanan sa Banal.
Kung papaanong sa unang pagbasa, ang paring si Aaron ang inutusan para ipahayag ang pagiging marumi ng isang tao, sa Ebanghelyo inutusan ni Hesus ang dating may ketong na humarap sa pari upang mapatunayan na siya ay magaling na. Subalit si Hesus ang Pinakamataas na Pari, na siyang may kakayahang magpawalang sala, maglinis at magpanibago ng buhay ng isang makasalan.
Ang punto ko ay hindi ipagbawal ang paglapit at paghingi ng tulong-panalangin sa ibang tao, kailangan natin ang bawat-isa, subalit sa paghingi natin ng tulong sa ibang tao ang ating buong pag-asa at paglapit ay dapat laging nakatuon sa Diyos; siya pa rin ang ating nilalapitan at kinikila na tanging pinagmumulan ng ating buhay at ng lahat ng ating mga ikinabubuhay.
No comments:
Post a Comment