Monday, January 23, 2012

Day 22: Pagtugon sa Tawag

kuha ni P. Auchks, OP sa pagdiriwang 
ng pagiging pari ng inyong lingkod
“Miyo, pumunta ka nga sandali dito at tulungan mo akong maglipit ng mga gamit ng tatay mo,” wika ni Aling Gloria na nasa itaas ng dalawang palapag nilang bahay. “Sandali lang po,” sagot naman ni Miyo. Makalipas ang mahigit tatlong minuto, muli na namang tumawag si Aling Gloria, ngayon ay mas malakas na ang boses at nagtatanong, “Narinig mo ba ako? Halika muna sandali dito at ng madali ako sa pagliligpit. Ano ba ‘yang ginagawa mo? “Nay, nand’yan na po!” ang tugon muli ni Miyo. Ilang sandali pa ang nakalipas, muli na namang tumawag si Aling Gloria at sa pagkakataong ito, isang salita lamang ang kanyang binanggit. “ROMMEOOOO!!!” Matulin pa sa isang ‘speed train’ ang karipas ng takbo pataas ni Miyo. Pagdating na pagdating sa itaas, sunud-sunod na sermon ang inaabot ng pobreng si Miyo. “Naku bata ka, gusto mo pang manggalaiti ako bago ka sumunod. Ano ba ‘yang ginagawa mo at hindi mo ako marinig, aber? Humanda ka at isusumbong kita sa Tatay mo! Kakamut-kamot ng ulo ang Miyo habang yumayakap sa baywang ng nanay niya at nagsabi, “Nay, huwag na kayong magalit, ‘itinagged’ ko naman kayo sa Facebook eh. Kaya ako nagtagal kasi ang daming ‘nag-like’. Syempre po kailangan ko pang mag comment at magasabi ng ‘Thanks guys! brb, mom asks for her favorite son…lol!” At pagkarinig ng katwiran ng anak, huminahon si Aling Gloria at sabay sabi kay Miyo, “Mamaya, tulungan mo akong palitan ang ‘profile picture’ ko, gusto ko ilagay mo ‘yung kuha ko sa simbahan na kasama si Fr Noy, maganda ako du’n.”

Nakakatawa kung iisipin subalit kung pag-iisipan nating mabuti may mga dahilan tayo sa buhay kung bakit mahirap para sa atin ang tumugon sa tawag. Unang-una na ay ang kaabalahan natin sa maraming bagay na umaagaw ng buo nating pansin. Isa pang kadahilanan ay maaring dahil hindi natin nakilala ang tumatawag sa atin. At kung minsan din hindi tayo tumutugon sa tawag dahil sa maling paraan ng pagtawag sa atin, katulad ng pagpito or paggamit ng salitang “hoy”. Kaya nga importante at magandang suriin ang Ebanghelyo natin ngayon sa ika-tatlong linggo sa pangkarinawang panahon ng Liturhiya ng Simbahan. Ang mga elementong ginamit ng ating Panginoong Hesus ay hindi lamang naging mabisa bagkus naging makahulugan sa mga alagad at mga tagasunod Niya. Binuksan ang Ebanghelyo sa pagsasabi na Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.

May mga taong magaling magsalita ngunit kulang sa gawa at malimit nating taguriang mga “mambobola”. May mga tao din namang sa mga kataga ay napakayaman subalit ang pagtanggap ng mga nakikinig ay parang ‘bao’, tuyo at walang laman, walang dating wika nga. Dito natin makikita ang pagkakaiba, ang hatak at taglay na biyaya sa katauhan ng ating Panginoon. Unang-una, ang dala Niyang mensahe ay balita ng paanyaya, pag-asa, kabutihan, tagumpay at katuparan; ang mensaheng umaakma at tumutugon sa pangangailangan ng gutom at uhaw nilang kaluluwa. Sa ilalim ng grasya ng Diyos at sa malalim nilang pananampalataya, ang mensahe ay hindi lamang nila narinig bagkus ito’y kanilang namalas sa katauhan ng ating Panginoong Hesus – Siya at ang Mensahe ay iisa.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit kaagad at walang pasubali na sumunod sa kanya ang unang apat na tinawag Niya. Wala tayong nabasang binanggit na “Sandali lang po” o “Ayan na po”. Ni hindi na nga kinailangang magsalita nina Pedro, Andres, Santiago at Juan, sapagkat sa kanilang puso’t pag-iisip nabatid nila ang katotohanan sa salita at katauhan ng ating Panginoon.  Hindi pa nila nakikilala ng husto ang ating Panginoon subalit sapat na ang kanilang marinig, “Halikayo at sumunod sa akin.” Hindi man nila lubos na nauunawaan kung paano maging “mamamalakaya ng tao” subalit ang sapat na tiwala sa kanilang kakayahan ay sapat ng lakas ng loob upang tanggapin ang isang hamon.

Opo mga kapatid. Ang pagsunod ay isang paglalakbay, isang pag-aaral, isang pagpapasakop at pagtitiwala, at isang paghahangad. Ang pagsunod ay isang pag-amin sa tasado nating kakayahan at pananalig na sa ating pagsunod mapapasaatin ang kaganapan ng ating buhay. Idagdag pa natin na ang pagsunod ay isa ring pananagutan. Nang sabihin ng ating Panginoon, “Halika kayo ay sumunod sa akin. Gagawin ko kayong mamamalakaya ng tao.” Ang mensahe ay dapat nating tanggapin subalit dapat din natin itong ibahagi. Ang pagbibigay natin ng ating sarili sa Diyos ay siya rin dapat nating gawing pamamaraan ng pagbibigay ng ating sarili sa ating kapwa.
kuha ni P. Auchks, OP sa pagdiriwang
ng pagiging pari ng inyong lingkod

Hindi ito napakadali, kaya nga dapat tayong ‘sumunod’ o ‘sumama’ katulad ng paanyaya ng Panginoon. Siya ang magtuturo sa atin; kasama natin Siya. Hindi natin alam kung saan mag-sisimulang magsalita, subalit ang ipahayag nating “ang paghahari ng Diyos ay narito na. Magsisi at maniwala kayo sa Ebanghelyo” ay sapat na. Aligaga tayo sa pag-iisip , paghihintay o pagsukat sa panahon ng pagtugon sa tawag, subalit huwag tayong  magigitla kung ang kasagutan ay “dumating na ang takdang panahon” o sa pamosong salita ng isang babaeng artista sa atin, “now na!”

Ano tutugon ka ba?

No comments: