Sino ba ang tunay na may hawak ng kinabukasan? Ang mga nakatatanda ba ng lipunan o ang mga kabataan? Sinasabi ng mga nakatatanda “ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.” Subalit sa uri ng pamumuhay ng maraming kabataan ngayon, paano tayo makasisigurong nasa kanila ang pag-asa ng bayan? Sa kabilang dako naman ay sinasambit ng mga kabataan, “sa karunungan ng mga nakatatanda nakasalalay ang pag-asa ng mga kabataan.” Subalit paano mangyayari ito kung karamihan sa mga nakatatanda ay sumuko na at nawalan na ng pag-asa sa pagbabago at pag-unlad ng buhay?
Kapag nagkasama-sama ang mga magulang, malimit ang kanilang pinag-uusapan ay ang kanilang mga anak. Kung nais nating makamalas ng mga tutoong ‘teleserye’ ng buhay, makinig tayo sa kanilang usapan. Paulit-ulit mong maririnig ang mga hinaing ng mga magulang sa mga katanungang, “Saan ako nagkamali, bakit ngayon ako'y sawi? Lahat na ay ginawa ko, ibinigay ko lahat at sinunod ang mga gusto niya pero bakit siya nagkakaganu’n? Wala naman akong hangad kungdi ang kanyang kabutihan, bakit hindi niya ito maunawaan?!”
Pero naitanong na ba natin kung ano ang gusto nila? Napag-isipan ba natin na marahil ang mga ibinibigay natin sa kanila ay hindi ‘yung talagang kailangan nila? Hindi natin sila masisi kung madalas nilang nasasambit ang mga katagang, “O pare ko, mayro’n akong problema, hindi ko sila maintindihan. Ang hirap talagang magpalaki ng magulang!”
Paano na ngayon? Masalimuot na problema ito. Gusto ko tuloy umawit ng, “Where do I begin, to tell the story of how great a love can be?” subalit hindi maaari dahil wala tayo sa ‘videoke house’. Subalit gusto kong dito umpisahan at ituon ang ating tema ng pagdiriwang, “to tell the story of how great a love can be”.
Mag-umpisa tayo sa ebanghelyo ni San Juan 3.16, “Ganuon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa mundo kaya’t isinugo Niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang manampalayatay sa Kanya ay maligtas at magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Isinasaad dito na ang kaligtasan unang-una ay dahil sa kagandahang loob ng Diyos at pangalawa ay sa pananampalataya. Idagdag pa natin na ang kaligtasan ay nakapaloob sa relasyon natin sa Diyos: Siya bilang Ama at tayo bilang mga anak Niya sa pakikipagsalo natin kay Kristo. Sa ikalawang pagbasa, sinabi ni San Pablo, “Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirtuwal dahil sa ating pakikipagkaisa kay Kristo...At dahil dito, hinirang tayo ng Diyos upang maging banal at walang kapintasan.”
Sa relasyon natin sa Diyos, ang dapat nating pinagtutuunan ng katanungan ay hindi kung anong klase ng magulang mayroon tayo bagkus anong klaseng mga anak tayo. Tayo ba ay nakikipagkaisa kay Kristo bilang anak ng Diyos? O katulad tayo ng mga alagad sa Ebanghelyo na talikwas ang nais kaysa sa nais ng Panginoon? Kaya nga, agad silang itinama ni Hesus sa kanilang mga baluktot na pamamaraan, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa katulad nila naghahari ang Diyos.” Idinidiin dito ng Panginoong Hesus ang mga katangian ng isang bata at hindi ang pagiging isip-bata. Ang katangiang ito para sa akin ay ang katangian ng pagiging isang anak.
Tayo ngayon ay nagdiriwang ng kapistahan ng Sto Nino. Isa ito sa mga malalaking kapistahan sa ating bayan (lalo na sa mga lugar ng Tondo at Cebu). Ito’y isang debosyon na nagpapahiwatig ng ating pasasalamat sa Diyos sa pananampalatayang kaloob niya sa ating mga Pilipino. Ngayon din ang magandang pagkakataon upang matutuhan at matularan natin kung paano ipinakikita ng Sto Nino ang kanyang pagiging anak. Sa ebanghelyo ni San Lucas 2.51-52, ipinahayag na si Hesus ay lumaking nagpasakop sa kanyang mga magulang; lumaki siya sa kaalaman, katauhan at grasya ng Diyos.
Dito marahil tayo nahihirapan, ayaw nating magpasakop. Ipinapalagay natin na kaya nating mabuhay ng mag-isa; ipinapalagay nating mas marami tayong alam. Iyon ang paniniwala natin subalit ang katotohanan ang mga ugaling ito ang kadalasang nagdadala sa atin sa kapahamakan. Ang pagpapasakop sa Diyos ay hindi isang kahinaan bagkus isang kababaan ng loob; isang pag-amin ng kung wala Siya sa ating buhay, wala tayong magagawa at mararating. Ang pagpapasakop sa Diyos ang idinidiin ng Panginoon ng sabihin niyang, “nasa mga katulad nila ang paghahari ng Diyos.”
Sana, habang sumusunod tayo sa tugtog at sayaw ng Sinulog, tayo din ay sumunod sa kalooban ng Diyos. Sana ang lakas ng ating sigaw na “Viva! Sto Nino,” ay singlakas din ng ating pananampalataya. Sana sa ating pagkilala sa Sto Nino bilang simbolo ng Kristianismo sa ating bansa, ay siya na ring maging simbolo ng ating pagpapasakop sa ating Amang nasa langit. Amen.
(Homilia para sa araw ng Kapistahan ng Sto Nino)
No comments:
Post a Comment